Lalaki sa Ethiopia, 1 minutong nagbuga ng tubig na nanggaling sa kanyang tiyan
KAGILA-GILALAS ang ginawa ni Kirubel Yilma, 20, ng Addis Ababa, Ethiopia na nagbuga ng tubig nang tuluy-tuloy sa loob ng 1 minuto.
At ang nakapagtataka pa, ang tubig na ibinubuga ni Yilma ay galing mismo sa kanyang tiyan.
Uminom siya nang maraming tubig at nagagawa niyang paakyatin sa bibig at ibinubuga niya.
Dahil sa kakaibang talento, nadagdag ang kanyang pangalan sa talaan ng mga world records.
Dahil sa kanyang kakayahan na magbuga ng tubig, tinagurian siyang “human fountain”.
Nakamamangha ang kanyang ginagawa na naibabalik ang nilalaman ng kanyang tiyan pabalik sa kanyang bibig. Sa pamamagitan nito, nagagawa niyang patagalin ang pagbuga ng tubig dahil sa rami ng kanyang ininom bago niya sinimulan ang kanyang world record attempt.
Nakatulong din daw ang pagiging medical student niya dahil nagbigay ito sa kanya ng kaalaman ukol sa pagkontrol sa kanyang mga kalamnan.
Naisipan daw niyang sumubok na magtala ng world record nang mapanood niya ang video ng taga-Ghana na si Dickson Oppong na siya dating nakagawa ng pinakamatagal na tuluy-tuloy na pagbuga ng tubig.
Ilang taon ding nagsanay si Yilma bago ang kanyang world record attempt na nagbunga naman.
- Latest