SOSYAL magkaroon ng manugang na foreigner. ‘Yun ang akala niya. Minsan ay nanalo sa casino ang isang Pinoy na lola na naninirahan sa America kaya pinagbibigyan ang mga apo ng balato. Ang apong binigyan ng balato ay apo niya sa bunsong anak na ang asawa ay Pinoy. Dito siya nakikitira. Ang lolang ito ay dating nakikitira sa bahay ng anak na panganay na may mister na Amerikano. Napatalsik ang lola sa bahay dahil pinalayas siya ng manugang na Amerikano.
Nabalitaan ng mga apong may tatay na Amerikano na nanalo sa casino ang kanilang lola kaya humingi ang mga ito ng balato. Kaso hindi pa nakakalimutan ng lola ang pagpapalayas sa kanya ng manugang na “puti” kaya sinabi nitong naubos na ang kanyang pera kahit ang totoo’y may pera pa siya. Ang ugat ng pagpapalayas sa kanya ay nang magprito siya ng isdang “tuyong araw”.
Nabahuan ang mga apo niya at nagsumbong sa tatay na Amerikano. Napagalitan siya ng manugang. Sa sobrang galit niya dahil sa kawalan ng respeto sa kanya ay napa-straight English siya with perfect grammar. Nagkasigawan sila hanggang tahasan siyang palayasin. Mabilis makahalata ang anak niya na nagtatanim pa rin siya ng tampo sa pamilya nito dahil sa nakaraan.
“Inay, bakit mo pinagdadamutan ang mga anak ko?” tanong ng anak niya na kahit isang beses ay hindi man lang pinagsasabihan ang asawang “puti” kahit harap-harapan siyang binabastos nito.
Nagkasumbatan ang mag-ina hanggang sa dumating sa puntong nakisawsaw na naman ang manugang na “puti” sa pagtatalo ng mag-ina. Ipinaalala ng Amerikano na kaya ang buong angkan nila ay nakatuntong sa USA ay dahil sa kanya kaya unfair daw na pagdamutan nito ang kanyang mga anak.
Masyadong nasaktan ang lola. Isang buwan pagkatapos ng ikalawa at huling away, ipinasya ng lolang umuwi sa Pilipinas at isinumpang hindi na babalik sa USA sukdulang mag-isa siyang mamuhay sa Pilipinas. Iginagalang siyang guro sa Pilipinas pero walang habas siyang binabastos ng Amerikanong ito! Gusto niyang mapreserba ang kanyang dignidad. Iyon na lang ang tanging maipagmamalaki niya sa sarili. At porke ito ang dahilan ng paninirahan nila sa abroad, gusto yata ng mahaderong manugang na puti ay habang buhay silang yuyukod dito na parang isang diyos-diyosan.