EDITORYAL - Tiyaking sumusunod ang mga jeepney
PUMASADA na kahapon ang 1,943 na jeepneys sa 17 bagong ruta sa Metro Manila, makaraang payagan ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Nasa 7,945 jeepneys na ang pumapasada. Ayon sa LTFRB, may 55,000 rehistradong jeepneys sa Metro Manila. Ang 17 bagong ruta na binuksan ay sa Quezon City, Caloocan, Manila, Makati, Pasay, Navotas, Taguig at San Juan. Lahat nang papasada ay may Quick Response (QR) code o special barcodes na naka-display sa salamin ng mga jeepneys. Kapag walang QR code ang jeepney, ibig sabihin hindi ito awtorisadong bumiyahe. Nagbabala ang LTFRB na huhulihin ang walang QR code.
Una nang inihayag ng LTFRB na Hulyo 3 bibiyahe ang mga jeepney subalit marami ang hindi nakakuha ng QR code dahil na rin sa computer glitches na nakaapekto sa website ng ahensiya. Ang pangyayari ang naging dahilan para magkaroon ng kalituhan. Maraming jeepney driver ang nagsagawa ng protesta sapagkat inihanda na umano nila ang kanilang mga jeepney – nilagyan ng mga plastic na harang bilang pagsunod sa health protocol.
Ayon sa mga jeepney drivers, gumastos na sila sa pagbili ng plastic at dinis-infect na ang kanilang mga sasakyan para makabiyahe pero hindi nangyari dahil hindi sila makakuha ng QR code. Maraming nagsabi na hindi na raw talaga sila papayagang makabiyahe at tuluyan nang ipi-phaseout ang mga jeepney.
Marami sa mga driver ang napilitan nang mamalimos sa kalsada dahil sa kawalan ng kita. Mula Marso ay hindi na pinayagang makabiyahe ang lahat ng public utility vehicles dahil sa lockdown na dulot ng pandemia. Maraming nagutom dahil sa hindi pagpasada.
Ngayo’y pumapasada na ang jeepneys, tiyakin na sumusunod sila sa health protocol. Mahigpit nilang ipinatutupad ang physical distancing, pagsusuot ng face mask at pag-sanitize sa mga pasahero bago sumakay para maiwasan ang pagkalat ng virus. Ang mga hindi sumusunod ay nararapat na kastiguhin at huwag nang payagang pumasada. Huwag palampasin ang mga pasaway na magiging dahilan sa pagdami pa nang mga magkakasakit.
- Latest