MAY isang matabang hari na ubod nang tamad kumilos kaya hindi nagtagal ay kung ano-anong sakit ang kumapit sa kanyang katawan. Ipinatawag niya ang isang manggagamot at inutusang pagalingin siya.
“Pagalingin mo ako!. Kung hindi mo ako mapapagaling, alam mo ang parusang naghihintay sa iyo.”
Tumango lamang ang manggagamot. Ganoon ang batas sa kanilang kaharian. Kamatayan ang kapalit kapag binigo mo ang Hari sa kanyang inaasahan.
Bistado ng doktor ang katamarang mag-exercise ng hari. Alam niya na ito ang dahilan ng pagkakasakit ng hari. Pero mabagsik ang hari at sensitibo ito kung tungkol sa katabaan nito ang pag-uusapan. Kapag sasabihin niya ang katotohanan, baka lalong mapaaga ang kanyang kamatayan. Kaya ibang taktika ang naisip niyang gawin. Naging maingat siya sa mga salitang bibitawan.
“Mahal na Hari, may dalawang magic metal ball na kailangan mong hawakan ng iyong mga kamay tuwing umaga. Tapos itataas mo at ibababa ang iyong kamay sa loob ng isang oras araw-araw. Sa umpisa ay makakadama ka ng pagkangawit pero huwag kang mag-alala dahil mawawala rin ito sa pagdaan ng mga araw.
Sa hapon muli mong hahawakan ang magic ball habang nililibot mo ang buong bakuran ng palasyo. Hindi ka titigil hangga’t hindi ka pinagpapawisan. Gawin po ninyo Mahal na Hari ang lahat ng sinabi ko hangga’t nabubuhay ka. Kapag itinigil mo ang iyong ginagawa, muling babalik ang iyong sakit.”
Naniwala naman ang Hari kaya buong pagtitiwala na sinunod niya ang instruction ng manggagamot. Unti-unting nabawasan ang timbang ng tabatsoy na Hari. Gumanda ang naging pakiramdam at nang magtagal ay gumaling ang sakit.
Nagawang turuan ng manggagamot na mag-exercise ang hari nang hindi ito nakaramdam ng pang-iinsulto.
“Tact is the art of making a point, without making an enemy”. – Isaac Newton