HINDI nakalimot ang isang lalaki sa Wisconsin, USA sa pangakong binitawan niya sa kanyang kaibigan, 28 taon na ang nakararaan.
Noong 1992 kasi ay nagkasundo sa pamamagitan lang ng pakikipagkamay ang magkaibigang Thomas Cook at Joseph Feeney na paghahatian nila ang jackpot sa lotto sakaling mapanalunan man ito ng isa sa kanila.
Kaya nang mapanalunan ni Thomas Cook ang $22 milyon (katumbas ng P1.1 bilyon) na jackpot sa Powerball ay hindi siya nag-atubiling tawagan ang kaibigang si Feeney upang tuparin ang kanilang napagkasunduan halos 30 taon na ang nakararaan.
Sabay na kinubra ng dalawa ang kanilang premyo, na matapos bawasan ng mga buwis ay umabot na lang sa tig-$5.7 milyon (P285 milyon).
Dahil sa perang napanalunan, agad na nagretiro si Cook sa trabaho. Mae-enjoy raw nila ni Feeney, na matagal nang retirado, ang kanilang retirement.