SINABI ni President Duterte noong Martes na mahalaga ang pagsusuot ng face masks. Mabisa aniya itong pananggalang para maprotektahan ang sarili. Nanawagan siya sa mamamayan na magtiis at sumunod sa health protocols para hindi mahawahan ng virus. Alam daw niya na marami na ang naiinip pero hiling niya na maghintay at magsakripisyo ang mamamayan. Ayon sa Presidente, matatapos din ang pananalasa ng virus. Maski nga raw siya ay inip na inip na rin sa mga nangyayari.
Sinabi ng Presidente, mamamahagi umano ng face masks ang pamahalaan at ibibigay ang mga ito nang libre. Pero dapat daw itong isuot para hindi mahawahan ng virus. Kahit ilan daw face masks ay bibili ang pamahalaan para ipamahagi. Puwede naman daw itong gamitin ng dalawang beses at ispreyan lang ng alcohol pagkatapos. Nagbiro pa ang Presidente na kung walang disinfectant, ilubog na lang sa gasolina at diesel ang face masks para mamatay ang putang-inang COVID. Hindi raw uubra ang COVID sa gasolina. Ibabad lang daw pero huwag daw sa loob ng bahay gagawin.
Maganda ang plano na pagbibigay nang libreng face masks. Marami ang hindi na makabili ng face masks dahil walang pinagkakakitaan. Karamihan, malaking panyo na lamang ang ginagawang mask. Basta may maitakip sa bahaging ilong at bibig. Ang iba, lumang t-shirt ang ibinabalot sa mukha para pananggalang. Mayroon naman na tuwalya ang ginagawang mask.
Kapag ipinamahagi na ang libreng face masks nararapat din namang i-educate ang mamamayan sa pagsusuot nito. Baka masayang lang ang ipapamahagi. Gagastos nang malaki pero hindi pala gagamitin nang maayos.
Ipabatid sa mamamayan ang kahalagahan ng mask na pananggalang sa virus. Hindi ito displey lang. Marami sa mamamayan na nasa baba (chin) ang mask at ang iba, nakasabit lang sa taynga. Ipaunawa ang kahalagahan ng mask ngayong may pandemia. Ito ang mabisang proteksiyon. Sabi ng WHO, naipapasa ang virus sa droplets at sabi naman ng isang pag-aaral sa London, airborne ito. Anuman ang paraan, face masks ang ipananggalang.