Dear Attorney,
Nalaman ko lang kamakailan na ibinenta ng kapatid ko ang bahagi niya sa mana namin mula sa aming yumaong ama. Kinausap ko siya tungkol dito at ipinaliwanag niya sa akin na may karapatan naman daw siyang gawin iyon dahil bahagi naman daw niya iyon at pinapayagan naman daw sa batas ang pagbebenta ng bahagi sa mana kahit hindi pa tapos ang hatian. Tama po ba ang aking kapatid? —Teresa
Dear Teresa,
Tama ang iyong kapatid dahil ayon sa Article 777 ng Civil Code ay naipapasa sa mga tagapagmana ang karapatan sa mga mamanahing ari-arian sa sandaling namatay na ang namayapa. Ibig sabihin nito, masasabing pag-aari na kaagad ng isang tagapag-mana ang kanyang mamanahin sa puntong mamatay na ang kanyang pinagmanahan kahit na sabihin pang hindi pa tapos ang hatian ng mga ari-ariang naiwan ng namayapa.
Kung higit sa isa ang mga tagapagmana katulad sa kaso n’yo ay masasabing co-owners kayong magkakapatid ng mga ari-ariang naiwan ng inyong ama na maari n’yong manahin. Bilang co-owner, ang bawat isa sa inyong magkakapatid ay tagapagmay-ari ng kanyang magiging bahagi sa mga ari-ariang paghahati-hatian ninyong magkakapatid, alinsunod sa Article 493 ng Civil Code. Dahil siya ay ang tagapagmay-ari ng bahaging maari niyang manahin, maari niyang ibenta ito sa iba kahit hindi pa tapos ang hatian sa mga ari-arian at kahit walang pahintulot sa mga kapwa niya co-owners.
Hindi ka naman dapat mangamba dahil ang ibinenta ng iyong kapatid sa bumili ng kanyang bahagi ay ang kung ano mang kanyang sakaling matatanggap kapag matapos na ang inyong hatian. Ang bahagi mo o ng iba mo pang kapatid ay hindi apektado sa ginawang pagbebenta ng iyong kapatid.