Paano na ang mahiwagang kahon?

ANO na ang mangyayari sa mahiwagang black box na TV Plus ng ABS-CBN na kasamang ipinahinto ng pamahalaan kasabay ng pagpapasara ng istasyong ito? Dapat na ba itong itago sa bodega, hayaan na lang mabulok o kainin ng anay o itapon? Paano na ang mga nakabili ng itim na kahon na ito? Sayang din ang P1,500 na ipinambili nila rito.

Sabagay, mga channel lang naman ng ABS-CBN sa TV Plus ang ipinasara. Napapanood din ang mga channel ng ibang television network tulad ng GMA-7, Channel 5 at CNN bagaman meron na rin ngayong sariling bersyon ng magic black box ang GMA na tinatawag na affordabox.

Sabi sa messenger ng ABS-CBN TV Plus sa Facebook,  “Maaari pa rin itong magamit dahil isa itong digital signal receiver na may kakayahang makasagap ng iba pang digital TV broadcast channels na available sa inyong area. Para sa other channels: Maaaring i-check ang mga sumusunod: (1.) Siguraduhing maayos ang signal. Para i-check, pindutin ang signal button sa remote ng TVplus. (2.) Siguraduhin na ang signal strength ng TVplus ay dapat higit sa 30 at ang quality ay higit 50 na may pulang bar. (3.) I-adjust ang antenna ng TVplus para makakuha ng mas malakas na signal o kaya ilagay ito malapit sa bintana. (4.) I-rescan ang inyong TVplus.”

Mas malinaw na video at tunog ang pangunahing bentahe ng digital terrestrial television. Hindi naman monopolyo ng ABS-CBN ang teknolohiya ng set top box na ito. Lubha lang marahil mahusay ang marketing nito at ang mga ipinalabas dito kaya aakalain mong siya lang ang meron nito. Meron ding ibang gumagawa nito.  Nariyan nga ang affordabox ng GMA-7 na inilunsad  ngayong taong ito (May naunang proyekto nito ang Siyete pero tila hindi natuloy) at ang Easy TV ng Solar Entertainment. Isa nga lang maitatanong kung bakit kailangang magkanya-kanya ang iba’t ibang kumpanya sa paggawa ng kani-kanilang set top box kung puwede naman palang mapanood dito ang mga channel o programa ng kakumpetensiya nilang network.

Gayunman, dahil meron pa namang napapanood sa TV Plus, hindi naman ito tuluyang masasayang. O kung digital television ang gamit mo, maaaring itago muna ang mahiwagang black box hanggang sa makabalik na muli rito ang mga show ng Kapamilya. Iyon ay, kung makakabalik pa sila. Kung kailan, panahon lang ang makapagsasabi.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

Show comments