ISANG Greek student na hindi makauwi mula Scotland dahil sa kanselasyon ng mga flight dahil sa COVID-19 ang nagpasyang magbisikleta na lamang ng 48 araw upang makarating ng Greece.
Ayon sa 20-anyos na mag-aaral ng University of Aberdeen na si Kleon Papadimitriou, sinubukan niyang mag-book ng tatlong flights pauwi ng Athens ngunit lahat daw ito ay nakansela dahil sa coronavirus pandemic.
Napilitan tuloy si Papadimitriou na magsaliksik kung kakayanin ba niyang lakbayin habang sakay ng bisikleta ang 3,500 kilometrong layo sa pagitan ng Greece at Scotland.
Nang malamang kakayanin naman niya ang paglalakbay at matapos ipaalam sa mga pamilya at kaibigan ang kanyang gagawin ay bumili si Papadimitriou ng bisikleta. Nagbaon din siya ng tinapay at de lata upang may makain sa daan.
Dinaanan ni Papadimitriou ang England, the Netherlands, Germany, Austria at Italy sa kanyang pagbibisikleta. Ayon sa kanya, nasa 56 hanggang 120 kilometro ang kanyang nalalakbay kada araw.
Pagkarating ng Italy, sumakay siya roon ng barko upang marating ang pier ng Patras sa Greece, kung saan nagbisikileta na naman siya muli upang marating ang bahay niya sa Athens.
Inabot ng 48 araw ang pagbibisikleta pauwi ni Papadimitriou at ayon sa kanya, ngayon lang niya napagtatanto ang layo ng kanyang ginawang paglalakbay.