SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring krimen hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba pang panig ng bansa. Nagiging karaniwan na lamang ang pagpatay. Parang manok na binabaril. Kamakailan, may binaril na barangay chairman na basta nilapitan at binaril sa ulo. May hepe ng pulis at kagawad na binaril habang nasa katirikan ang araw. Hindi na nasisindak ang mga kriminal ngayon na karaniwang ginagawa ang pagpatay habang nakasakay sa motorsiklo. Mula nang mauso ang riding-in-tandem, sunud-sunod na ang mga krimen. At karamihan sa mga kriminal ay mabilis na nakatatakas.
Noong Martes, isa na namang pagpatay ang naganap at tulad nang dati, nakatakas na naman ang mga kriminal. Sa pagkakataong ito, hindi motorsiklo ang gamit ng mga kriminal kundi itim na SUV. Ang napatay ay si prosecutor Jovencio Senados. Patungo si Senados sa Manila City Hall dakong alas-onse ng umaga nang pagsapit sa Quirino Avenue, Maynila, isang itim na SUV ang dumikit sa kanyang sasakyan at binaril ang prosecutor na tinamaan sa mukha. Hindi naman tinamaan ang kanyang driver.
Ayon sa driver, galing sila ni Senados sa bahay nito sa Banlic, Calamba, Laguna. Habang patungo umano sa Maynila, napansin na nito ang itim na SUV na nasa hulihan nila. Mayroon pa umanong backup na sasakyan ang SUV. Pagdating sa Quirino Avenue, doon na naganap ang pagbaril sa 62-anyos na prosecutor.
Nag-iimbestiga pa ang Manila Police District sa krimen. Ayon sa report, wala namang pagbabanta sa buhay ni Senados. Wala rin itong kaaway at kilalang mabait na tao. Pinuno umano ito ng Parish Pastoral Council sa Calamba at iba pang samahan doon.
Humihingi ng hustisya ang mga kaanak ng pro-secutor. Gawin sana ng MPD ang lahat nang paraan para mahuli ang mga salarin. Hindi sana ito maging katulad ng ibang krimen na hindi na nalutas at naiwang nanlulumo ang mga naulila.
Wala nang takot ang mga kriminal. Sinasamantala kaya dahil abala ang mga pulis bilang frontliners sa COVID-19. Sana ikalat ang mga pulis. Magkaroon ng visibility lalo sa mga matataong lugar para mapigilan ang pagsalakay ng mga kriminal.