NAGKAROON ng talent contest sa komunidad ng mga hayop. Si Haring Leon ang magiging hurado sa paligsahan. Ang mananalo ay gagawing kanang kamay ng hari. Lahat ay excited sumali dahil sa premyong makukuha nila. Malaking karangalan na maging kanang kamay ng hari.
Iisa ang nasa isip ng lahat – magpasikat sa hari at gawin ang mga bagay na hindi pa nila nagagawa sa buong buhay nila. Kung ang gagawin nila ay dati na nilang ginagawa, hindi hahanga sa kanila ang hari. Baka sabihin ay – anong espesyal diyan sa ginagawa mo, eh, dati mo namang ginagawa iyan. Dapat ay pasabog ang performance nila.
Kaya ang bibi na sanay lumangoy ay nagpakita ng talent sa pagtakbo. Ngunit ang paa niya ay hindi angkop sa mabilis na pagtakbo kaya lalong nabisto na mas mabagal pa siyang maglakad kaysa mga pagong.
Ang aso naman na mabilis tumakbo ay nagpakita ng talent sa paglipad. Paano makakalipad, wala namang pakpak? Ang resulta, nabalian siya ng paa nang sinubukang lumipad mula sa bubong ng bahay.
Ang loro na magaling lumipad ay nagpakita ng talent sa paglangoy. Lumulusong pa lang ito sa ilog ay muntik nang malunod. Mabuti at sinagip siya ng bibi.
Ang nanalo ay ang hummingbird. Talent sa paglipad ang ipinakita niya. Oo, talagang lumilipad siya kaya kung iisipin, ano ang bago roon? Nakakalipad siya ng forward at pa-backward. Kaya niyang bumulusok nang lipad nang paitaas at pababa. Nagmistula siyang mananayaw sa ibabaw ng hangin.
Natuwa ang hari sa kanyang performance. Nanalo ang hummingbird dahil ipinakita nito ang kanyang “kakanyahan”.
Upang manalo sa “paligsahan” ng buhay: “Be yourself, but always your better self.” – Karl G. Maeser