Ano ang remedyo kapag hindi pa naitu-turnover ang hinuhulugang condo?

Dear Attorney,

Nangako po ang real estate developer ng hinuhulugan kong condominium na maitu-turn over na sa akin ang unit pagkatapos ng isang taon. Higit isang taon na po simula nang ipinangako nila ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa po ma-okupa ang condo ko. Ang malala ay mukhang magtatagal pa bago matapos ito dahil naapektuhan daw ang konstruksyon dahil sa ipinatupad na lockdown. Ano po ba ang remedyo ko? – Marilyn

Dear Marilyn,

Nakasaad sa Section 20 ng Presidential Decree No. 957 o Subdivision and Condominium Buyer’s Protective Decree na may dalawang remedyo ang mga condominium buyers na katulad mo sakaling hindi tumupad sa napagkasunduan ang condominium owner o developer partikular na sa takdang panahon kung kailan makukumpleto ang condominium project.

Una, maaring suspendihin ng buyer ang pagbabayad ng monthly amortization o buwanang hulog sa condominium unit na kanyang binibili. Maaari niyang itigil ang pagbabayad hanggang sa tumupad ang condominium developer sa mga obligasyon nito alinsunod sa inyong napagkasunduan.

Ang pangalawang remedyo sa ilalim ng PD 957 ay ang paghingi ng refund o pagbawi sa halagang naihulog mo na kabilang na ang legal na interest nito.

Nasa buyer ang pagpapasya kung alin sa dalawang remedyo ang kanyang nanaisin.

Kung ang una ang iyong pipiliin, kailangan mo lang ipagbigay-alam sa condominium developer ang pagsuspinde mo ng pagbabayad ng monthly amortization hanggang sila’y tumupad sa kanilang mga obligasyon.

Kung ang pangalawa naman ang iyong pipiliin ay huwag kang papayag na ipitin ng condo developer ang halagang binabawi mo dahil maaari kang magreklamo sa HLURB kung hindi nila ibabalik ang refund mo.

Madalas ay ipinapatawag ng HLURB ang developer sa mga ganitong kaso upang harapin nila ang nagrereklamo sa proseso ng mediation. Kung walang mangyari sa mediation sa harap ng HLURB ay maari ring sampahan ng kaso sa korte ang developer upang tumupad ito sa obligasyon nito base sa kontratang inyong pinirmahan.

Show comments