MAY bagong pag-aaral na inilabas ang 200 scientists na nagsasabing naipapasa ang virus sa pamamagitan ng hangin at nararapat itong tanggapin ng World Health Organization (WHO) para makagawa nang epektibong hakbang para maiwasan at makapag-ingat ang mga tao. Ayon sa nalathala sa Journal Clinical Infectious Diseases sa London, ang viruses na lumabas sa pamamagitan ng paghinga, pagsasalita at pag-ubo ay nananatili at lumulutang sa hangin. Kaya delikadong mahawahan o makapitan ang sinumang nasa loob ng saradong kuwarto.
Una nang sinabi ng WHO na kumakalat at nakakahawa ang virus kapag natalsikan ng droplets ng isang bumabahin o umuubo. Hindi naniniwala ang WHO sa airborne transmission. Ayon pa sa mga scientists, dapat baguhin ng WHO ang kanilang paniniwala at nang maihanda ang mga tao sa bago nilang natuklasan.
Wala namang pagkakaiba sa natuklasan dahil mapa-airborne o matalsikan ng droplets mula sa umubo, parehas din lang itong makakahawa. Ang dapat lang sigurong gawin ay maghigpit sa mga pupunta sa saradong lugar o walang labasan ng hangin para hindi paikut-ikot ang virus. Mas mag-ingat sa mga closed spaces gaya ng elevator, at mga sasakyan na magkakaharap ang mga sakay.
Walang ibang dapat gawin kundi ipagpatuloy ng mamamayan ang nakasanayan nang pag-iingat para makaiwas sa virus. Huwag nang bumalik sa da-ting nakasanayan na hindi nagsusuot ng face mask, kumpul-kumpol sa isang lugar, hindi naghuhugas ng kamay at kung anu-ano pang hindi magandang gawain na nagdudulot ng pagkakasakit.
Mula nang manalasa ang COVID-19, natuto ang marami sa tamang kalinisan. Itinakwil ang hindi magandang nakagawian gaya nang pagdura, pagdumi sa kung saan-saan at iba pa. Marami ngayon, pag-uwi ng bahay na naliligo agad at nilalabhan ang sinuot na damit. Hindi na rin ipinapasok sa loob ng bahay ang suot na sapatos para hindi makapagdala ng virus. Ayaw nilang mahawa ang pamilya.
Ipagpatuloy ang mga nakasanayang kalinisan sa katawan at kapaligiran. Ito ang nararapat ngayon upang hindi kumalat ang sakit. Kung maipagpapatuloy ang nakaugalian, hindi na magugulat o matataranta kapag may mas matindi pang sakit na manalasa sapagkat nakahanda na.