ISANG asong kalye (askal) sa Brazil ang may pambihirang ugali na hindi makikita sa ibang hayop --- marunong itong magkawanggawa o magmalasakit sa kapwa hayop.
Ang askal ay nagngangalang Lilica. Ang kakaibang ugali ng aso ay nasaksihan ng gurong si Lucia. Palaging binibigyan ni Lucia ng pagkain si Lilica.
Nagsimula ang pagbibigay ng pagkain ni Lucia kay Lilica nang makita niya ito habang patungo siya sa school na pagala-gala at naghahanap ng makakain.
Ibinigay niya rito ang dala niyang pagkain na nasa supot. Agad namang kinuha ito ni Lilica at dali-daling tumakbo lumayo.
Naulit pa ang pagbigay niya ng pagkain sa aso. At nagtaka si Lucia kung bakit pagkabigay niya ng pagkain, agad tumatakbo papalayo si Lilica.
Isang araw, makaraan bigyan ni Lucia ng pagkain ang aso, sinundan niya ito.
Gusto niyang malaman kung saan nito dinadala ang mga pagkain na kanyang ibinibigay.
Nalaman ni Lucia na nakatira pala si Lilica sa isang junkyard na may anim na kilometro ang layo sa lugar kung saan lagi niya itong nakikita na naghahanap ng pagkain.
Pero ang labis na nakapagpamangha kay Lucia ay nang makita niya sa lungga ni Lilica ang iba’t ibang uri ng hayop na nakikinabang sa dala nitong pagkain.
Nakita niya ang mga tuta ni Lilica, ilang pusa, manok, at isang bisiro na nakikihati sa dalang pagkain ng aso.
Napag-alaman ni Lucia sa mga nakatira malapit sa lungga ni Lilica na sadyang palakaibigan ang aso sa mga kapwa hayop.
Mabilis na nag-viral sa social media ang kuwento ni Lilica.
Marami ang naantig sa ipinakitang pagmamalasakit ng aso sa kanyang kapwa hayop.