“FRESH Fish For Sale Here”. Ito ang karatulang isinabit ni Cora sa kanyang tindahan ng isda na nasa harapan ng kanyang bahay.
Napadaan sa harapan ng tindahan ang isang kakilala. Saglit itong tumigil at nagtanong, “Bakit nilagyan mo pa ng salitang fresh? Naiintindihan na ng mga tao na hindi ka magtitinda ng bulok na isda.”
Binura ni Cora ang fresh. Natira ang Fish For Sale Here. Kaso isa na namang pakialamera ang napadaan. “Bakit nilagyan mo pa ng here? Alam na ng mga tao na dito mo sa tindahan ipinagbebenta ang isda. Baka sabihin, ginagawa mo silang tanga.”
Muling binura ni Cora ang here. Natira na lang ang Fish for Sale. Kaso nabasa ito ng isa pang kapitbahay na miron. “Kumare, tanggalin mo na ang for Sale. Nauunawaan na ng mga tao na ibinebenta mo ang mga isda. Hindi mo yan ididispley sa mesa kung hindi mo ibebenta.”
Sa ikatlong pagkakataon ay nagbura na naman si Cora kaya ang natira na lang sa karatula ay Fish. May nakapansin na naman dito. “Cora, hindi na kailangang lagyan mo ng Fish, malayo pa lang ay naaamoy ko nang may isda diyan sa tindahan mo.”
Ang nangyari tuloy, tinanggal nang tuluyan ni Cora ang karatula. Kaso, napansin niya na ilang oras na ang nagdaan ay wala pa rin bumibili ng kanyang isda. Kaya sumigaw na siya ng Bili na kayo ng isda ! Mga suki, magaganda ang isda dito. Biglang naglapitan ang mga taong dumadaan. Lahat ng lumapit ay bumibili ng isda. Isa sa mga mamimili ang nag-comment: “Bakit hindi ka maglagay ng karatulang Fresh Fish For Sale Here. Kung hindi ka pa sumigaw, hindi namin malalaman na may tinda kang isda.”
Bumuntong-hininga na lang si Cora. Bigla niyang naalaala ang sabi ng kanyang lola: Ang maniwala sa sabi-sabi, walang tiwala sa sarili.