Bukas o sa Biyernes, masusumpungan na sa mga lansangan sa Metro Manila ang mga traditional na jeepney.
Pinayagan na kasi ng LTFRB na makapamasada ang mga ito.
Hindi nga lang natin alam kung paano napili ng LTFRB ang mga sinasabing’ road worthty’ na jeepney na base sa patakaran, ito lamang ang pabibiyahihin na traditional jeep.
Nagsagawa kaya sila ng inspeksyon kaya natukoy kung sinu-sino ang puwedeng bumiyahe.
Kasi nga, kung hindi magiging taliwas na naman ito sa pahayag ng Malacañang noong isang linggo na hindi lahat ng traditional jeep ay makakabiyahe o papayagang bumiyahe.
‘Yun lamang ‘road worthty’ na hindi naman maglalagay sa panganib sa mga sakay nito. Kaya ang tanong nagsuri ba ang mga kinauukulan?
Hindi lang ito, naihanda na rin ba ng mga operators at jeepney drivers ang kaukulang safety measures na magbibigay proteskyon sa kanilang mga pasahero.
Dapat may bakanteng espasyo para ‘di tabi-tabi ang sakay para sa social distancing, may harang pa nga dapat na plastic.
Sana rin ay masubaybayan ng mga awtoridad na masusunod ang tamang passengers capacity base sa pinaiiral na quarantine.
Kahit kaunti ang maisakay at maliit ang maging kita mas maigi na ito kaysa sa hindi makabiyahe. Ti
Habang sinusulat ang kolum na na ito, wala pang pahayag ang Pangulong Duterte kung mananatili ba o mababago ang status ng quarantine sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan umiiral ang general community quarantine (GCQ) sa MM.
Maaaring manatili ito o maibaba sa modified GCQ na maaaring magkaroon ng kaunti pang kaluwagan maging sa porsiyento ng capacity ng papayagang isakay na pasahero.
Malalaman nating ngayon kung ano ang mga magiging pagbabago.
Basta ang dapat na mangyari, maipatupad lahat ang mga patakaran o protocol sa pagbiyahe ng mga pampubikong transportasyon.