MINSAN, pinuproblema rin niya ang kanyang pagiging “baby face”. Preacher kasi siya ng relihiyong kanyang kinaaa-niban. Hindi naman kailangang magmukhang “senior citizen”, pero naroon ang katotohanan na mas bilib ang kanyang mga kasamahan sa matatandang preacher kumpara sa mga bata.
Kaya noong ini-assign siyang mangaral sa mga bilanggo ng isang provincial jail, pinaghandaan talaga niya itong mabuti. Inisip niya kung ano ang pinakaepektibong paraan para mabagbag ang damdamin ng mga taong pinatigas na ng mga rehas ang kanilang puso.
Pagdating niya sa provincial jail, nakahanda na ang stage kung saan siya magsasalita. Malawak ang hall at marami ang dumalo sa prayer meeting. May five steps ang hagdan ng stage. Habang umaakyat ay inaalala niya ang paunang salita na sa-sabihin upang makuha niya ang atensiyon ng audience. Hindi nakapokus ang atensiyon niya sa nilalakaran kaya nagkulang ang tapak niya sa hagdan na naging dahilan para mawalan siya ng panimbang at mangudngod sa sahig ng stage.
Ang tahimik na hall kanina ay biglang napuno ng halakhakan ng mga bilanggo. Damang-dama niya ang pananakit ng kanyang baba na humampas sa sahig. Malayo ang talsik ng Bibliya niyang bitbit kaya pagapang niya itong sinundan. Lalong naghagalpakan ng tawa ang mga preso. Sa isang iglap, mabilis siyang nakapag-isip ng palusot.
“Okey ba ang eksena? Kahit nanginginig pa ang bawat himaymay ng aking baba, ayos lang, basta’t napatawa ko kayo.”
Nagkataong mahaba ang kanyang baba kaya lalong naghagalpakan ng tawa ang mga preso. Nagpatuloy siya ng pagsasalita.
“Seriously, mga kapatid, ito ang gusto kong ipakita sa inyo…na ang isang tao ay puwedeng bumangon, kahit ano pa ang lakas ng pagkakangudngod ng kanyang mukha sa lupa. Ayos ang magkamali basta’t marunong kang magsisi at bukas ang isipan sa positibong pagbabago.”
Natahimik ang paligid. Maganda ang resulta ng kanyang pagngudngod. Lalong ginanahan siya sa pagsasalita. Bawat salita niya ay tumutusok sa puso ng mga bilanggo. Mag-isa siyang nagsalita nang tuluy-tuloy. Maraming kalooban ang nabagbag sa kanyang mga sinabi. Ang iba ay lumuha pa. Success! Puwede na siyang ihanay sa mahuhusay na senior preachers nila.
Sa loob ng sasakyan habang papauwi sila ng bahay, nagtaka ang driver at biglang humagulgol ang young preacher.
“Sir bakit?” usisa ng driver.
“Dalhin mo ako sa aking doctor. Masama ang bagsak ko nang pataob kanina sa stage. Ang sakit…pakiramdam ko ay may nabasag sa aking panga at baba.”
Mahaba pa ang kanyang lalakbayin. Marami pang sakripisyo ang kanyang bubunuin upang maging tunay na disipulo ng Manlilikha.