EDITORYAL - Naglutangan na naman ang plastic na basura

PANSININ ngayon ang mga estero sa Metro Manila. Namumulaklak na naman sa plastic na basura. Maaaring ang mga plastic ay naipon habang naka-lockdown ang Metro Manila at ang mga tao ay walang ginawa kundi magluto. Dahil palaging nagluluto, ma­rami rin ang basura at pawang plastic. Ang masakit, karamihan sa kanila ay walang disiplina sa pagtatapon ng kanilang basura. Tapon dito, tapon doon ang kanilang ginagawa. Wala nang pakialam. Halimbawa ay ang informal settlers o mga iskuwater, deretso sa tubig ang kanilang basura --- supot na plastic, grocery bags, sachet ng 3-in-1 coffee, catsup, shampoo, toothpaste, at iba pang plastic  na basura.

Lahat nang itinapon sa kanal, estero o sapa, aanu­rin patungong Manila Bay. Kawawang Manila Bay na inumpisahan nang linisin noong nakaraang taon pero hindi matapus-tapos at eto na naman ang panibagong basura ng mga plastic. Mas marami pa kaysa­ rati ang basura at ito ay sa kabila na marami ang umaaray dahil wala na raw makain dahil sa pan­demia.

Noong nakaraang taon (Pebrero 2019) nagbabala si Environment Secretary Roy Cimatu sa mga walang­ disiplinang nagtatapon ng basura. Nang magsalita siya sa isang forum, sinabi niyang tapos na ang araw ng mga gumagawa ng krimen laban sa Inang Kalikasan. Ang pag-abuso sa kalikasan ay tutul­dukan na sapagkat mahigpit niyang ipatutupad ang environmental laws at mga ordinansa.

Pero makalipas ang pagbabanta niyang iyon, wala pa ring nakitang pagbabago at lalo pang dumami ang mga nagsasalaula sa kapaligiran. Nakakatuwa na sana dahil masidhi ang hangarin ni Cimatu na puk­sain ang mga sumisira sa kalikasan. Sana ang kasunod ng kanyang pagbabanta ay pagpapakita na ng kamay na bakal laban sa mga iresponsableng mamamayan na walang pakundangan kung magtapon ng plastic sa mga kanal, estero at sapa.

Kailangang maipamulat sa mga iresponsable na ang mga basurang plastic na kanilang itinapon ay humahantong sa Manila Bay at hindi lamang tao ang napipinsala kundi pati mga lamandagat. Mawawalan ng silbi ang kampanya sa paglilinis sa Manila Bay kung parati na lamang na may magtatapon ng basurang plastic sa water ways.

Kapag natapos ang problema sa pandemia, mga iresponsableng nagtatapon naman ng basura ang harapin ng DENR.

 

Show comments