Imported na salmon ligtas bang kainin?

LIGTAS bang kainin ang salmon kaugnay ng pandemya ng COVID-19? Wala pa namang siyentipikong patunay na maaaring makapagdala ng virus ang salmon. Maaaring ligtas kainin ang lokal na suplay ng salmon sa Pilipinas pero paano ang mga imported na isda?

Ito ang isang usaping dapat din sigurong linawin ng mga kinauukulang awtoridad sa bansa dahil sa naglabasang mga ulat hinggil sa umano’y mga bakas ng COVID-19 na nakita sa ilang cutting board na ginagamit sa paghiwa ng imported na salmon sa mga supermarket sa  Beijing, China kasabay ng panibagong kaso ng sakit sa naturang bansa noong nakaraang linggo.

Sinasabi naman ng mga opisyal ng China na walang kinalaman ang salmon sa pagkalat ng virus pero naganap na ang pinsala. Kumalat ang maituturing pa namang tsismis pero natakot na ang mga konsyumer sa China  sa pagkain ng salmon, tinanggal sa mga supermarket ang mga panindang imported na salmon at tinanggal ng mga Chinese restaurant sa kanilang menu ang isdang ito.

Nadamay na rin dito ang ibang isda at pagkaing-dagat na iniiwasan na rin umanong bilhin at kainin ng mga Chinese consumer. Nabulabog ang mga importer at supplier ng imported na salmon sa mundo sa balitang ito at tinatangka nilang isalba ang nasirang imahe ng kanilang industriya. Hindi rin inaalis ng mga opisyal na posibleng nakontamina ang mga isda sa proseso ng pag-eempake sa mga ito.

Ipinahiwatig sa ulat na ang kontaminadong salmon ay nagmula sa Europe partikular sa Faroe Island sa Denmark. Kinansela rin umano ng China ang mga order nito sa Norway. Pero nilinaw ng mga opisyal ng Norway at China na hindi  sa mga salmon  ng Norway nagmula ang coronavirus na nakita sa mga cutting board sa pamilihan ng China.

Nagpalabas din ng pahayag ang mga industry association at government agencies sa mga pangunahing exporter ng salmon tulad ng Norway, Chile, Canada at United States na nagdidiin na walang siyentipikong ebidensiya na maaaring makapagdala ng virus ng COVID ang mga isda at iba pang seafood.

Sana masilip at linawin ito ng mga kinauukulan nating awtoridad para sa kapanatagan ng loob ng mga konsyumer na Pilipino lalo na ang mga mahilig kumain  ng salmon. Dahil nagkalat din sa mga supermarket natin ang mga imported na salmon, hindi maiiwasang kabahan at magkaroon ng agam-agam dahil sa napabalitang mga salmon sa China na kontaminado umano ng COVID-19.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

 

Show comments