Most respectful GRO at Akyat-Bahay
SA Sampaloc, Maynila matatagpuan noong araw ang most respectful GRO at Akyat-Bahay.
Nangungupahan kami sa isang maliit na bahay sa Sampaloc, noong unang bahagi ng 80’s, nang may naging kapitbahay kaming siga. Ang bulung-bulungan ay akyat-bahay daw ito.
Pero don’t worry daw dahil ang “tinitira” nito ay mga bahay na malayo sa aming lugar. Kumbaga, naniniwala pa rin ang sigang ‘yun sa kasabihang “respect thy neighbors’ property”.
Tapos may seksing babae na nangupahan sa katabing bahay namin. Matapos mag-research ang mga tsismosong manyak, napag-alaman nila na dancer/GRO ang seksing babae sa isang sikat na club sa Quezon City.
Aba, nagkaisa ang mga manyak na puntahan ang club na sinasabi para mapanood ito kung paano kumembot-kembot sa stage. At kung papalarin, iti-table na rin nila.
Nagtagumpay ang lakad ng mga manyakis dahil napanood nila ang pagsayaw ni Seksi. Pero nang mag-request sila na i-table ito, isang malakas na NO! ang sagot nito.
Namukhaan pala ni Seksi na ang isang grupo ng audience niya habang sumasayaw ay pulos mga neighbors niya. Kaya isang mahigpit na iling, na halos ika-stiff neck ang naging sagot nito sa request na i-table siya. Naniniwala kasi siya sa kasabihang, “respect thy neighbor’s husband”.
Kahit pa sila ay may pangkalahatang reputasyon na magnanakaw ng property (siga) o magnanakaw ng asawa (GRO), basta’t kapitbahay, may unwritten rule sila sa kanilang sarili na ang mga kapitbahay ay hindi dapat “tinatalo”.
- Latest