LAGING naiwawala ng isang babae sa Florida ang kanyang high school graduation ring ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, lagi pa rin itong nakakabalik sa kanya.
Unang naiwala ni Shannon Foresteng ng Pensacola, Florida ang kanyang singsing dahil sa isang aksidente matapos siyang maka-graduate sa Pace High School noong 1979.
Naibalik muli sa kanya ang singsing nang matagpuan ito ng kanyang ama sa isang sanglaan.
Sigurado silang iyon ang nawalang singsing dahil nakaukit doon ang mga pangunahing titik ng pangalan ni Shannon.
Sa pangalawang pagkakataon, nawala muli ang sing-sing nang madestino si Shannon sa Navy Reserve Center sa Wisconsin.
Napunta pala ang singsing sa isang bahay 30 milya ang layo mula sa pinapasukan ni Shannon.
Natagpuan ito ni Nicki Hintz nang linisin niya ang bahay, na pag-aari ng kanyang ama nang ito ay nabubuhay pa.
Ipinost ni Hintz ang kanyang natagpuan sa Facebook, kung saan umani ito ng 800 comments at shares.
Napunta ang balita sa alumni website ng Pace High School kung saan nabasa ng kapatid ni Shannon ang ukol sa singsing.
Tuwang-tuwa naman si Hintz na nahanap niya ang may-ari ng singsing, na ipinadala na niya kay Shannon sa pamamagitan ng koreo.
Hindi naman makapaniwala si Shannon nagawa pa ring makabalik ng singsing sa kanya lalo na’t hindi naman siya gumagamit ng Facebook.