Ang lumot

ANG 56-anyos na si Greg ay nakatayo sa labas ng lumang parish church nila. Naawa siya sa hitsura nito. Hindi na mahahalata ang dati nitong pintura dahil dumikit na ang lumot sa pader nito.

Napapikit si Greg at napabulong: Diyos ko, pahabain mo pa ng kaunti ang aking buhay, gusto kong pagandahin ang iyong simbahan. Gusto kong gumawa ng kabutihan sa iyo bago ako magpaalam sa mundong ito.

Ang pananakit ng ulo, panga at  taynga na hindi niya iniintindi ng mahabang panahon ay mga sintomas pala ng kanser sa ulo at leeg. Kinausap na ng doktor ang kanyang pamilya at ipinagtapat na wala na siyang pag-asang gumaling.

Kinausap ni Greg ang staff ng simbahan at nagboluntaryong siya ang bahalang maglinis ng pader at magpipintura nito. Kinuha ni Greg ang dating tauhan niya sa kanyang farm para may makatulong siya. Inutusan niya itong kuhanin ang mga tools na nakatago pa sa bodega ng farm.

Lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya, araw-araw ay nagpupunta siya sa simbahan para magkatulong sila ng kanyang tauhan na tanggalin ang lumot sa pader.

“Sir, bakit hindi mo na lang ipagawa sa akin ang lahat ng ito. Baka po makasama lalo ito sa iyong kalusugan.”

“Don’t worry. Pakiramdam ko ay ibayong lakas ang naidudulot ng paglilinis natin. Hindi na sumasama ang pakiramdam.”

Habang pinagaganda nila ang simbahan, kasabay na gumaganda ang kanyang pakiramdam. At isang araw na nagpa-check up siya, masayang ibinalita ng doktor na lumiit na ang tumor sa kanyang leeg at ulo. Lumipas ang ilang buwan, tuluyan na itong natunaw. Hindi makapaniwala ang lahat sa milagrong nangyari. Sa puso ni Greg, alam niyang nakatulong ang kanyang hangarin na pagandahin ang simbahan.

“Habang tinatanggal ko ang lumot sa  pader, tinatanggal din ng Diyos ang aking tumor!”

Pagkalipas ng limang taon, patuloy pa rin si Greg sa pagtulong sa pagpapaganda ng kanilang simbahan. Siya na ang namamahala kapag may kailangang ayusin dito. Ibinigay na niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos.

 

Show comments