Masaklap ang nangyari sa isang single mom na nasawi sa lansangan matapos na limang araw na maghintay ng masasakyan pauwi sa kanilang lalawigan sa Bicol.
Naiwan ni Michelle Silvertino, 33, ang kanyang apat na maliliit pang anak.
Matindi ang naging kalbaryo ng ginang sa kakulangan ng masasakyan.
Una itong naglakad mula Cubao hanggang Pasay na dito siya nagbakasakali na makasakay pauwi sa Bicol habang umiiral ang general community quarantine sa Metro Manila.
Limang araw itong nanatili sa ilalim ng footbridge sa Pasay.
Nakaramdam ng panghihina, at tinignan din naman umano ito ng mga kinauukulan pero hindi ito dinala sa pagamutan.
Hunyo 5 ito nang tuluyang masawi makaraang isugod sa Pasay City General Hospital.
Agad din naman itong inilibing na hindi na naimpormahan ang pamilya o kaanak.
Maging ang Malacañang ay nagpaabot na nang pakikiramay sa nangyari kay Michelle na nangakong gagawa ng hakbang upang hindi na ito maulit.
Matapos ito, kahapon din ay sinuspinde ang ‘balik-probinsya’ program, kundi tutuon muna ang mga pagpapauwi sa mga OFWs, mga manggagawa at mga mag-aaral na na-stranded sa Metro Manila.
Marami pang Michelle ang nandyan, naghihintay din ng masasakyan makauwi lamang sa kanilang mga lalawigan.
May ilan naman nagsimula nang maglakad dahil sa kawalan ng masasakyan, kung aabot sila sa kanilang paroroonan walang makapagsasabi.
Marami rin tayong kababayan ang stranded ngayon sa NAIA, makikita kung saan-saan na lang namamalagi ang mga ito na naghihintay ng oras para sila makabalik sa kanilang mga mahal sa buhay.
Maaari namang na magawan itp ng paraan at hindi na hmantong sa may nanganganib na buhay.
Huwag na sanang maulit pa ang nangyari kay Michelle, na dapat na mapagtuunang pansin ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.