ELEMENTARY graduation. Hinalikan siya ng kanyang crush na si Lily. Sabay-sabay sabing: I will miss you friend. Sa probinsiya ni Mommy kami magpapalipas ng summer vacation. Pagkakataon na sana niyang gantihan ng halik sa pisngi si Lily. At sana sinabi na rin niyang “I’ll miss you too.” Kahit parinig man lang, o kahit paramdam na love niya ito. Ewan ba niya…ang torpe, torpe niya.
High school graduation. Hinalikan siya sa pisngi ni Lily. Napakislot siya. Gustung-gusto na niyang gantihan ng lips to lips para naman kahit paano ay madampian ang very virgin lips nito. Pero paano niya gagawin iyon, ni hindi nga masabi kay Lily ang kanyang nararamdaman, i-lips to lips pa kaya.
Hindi na kasi crush ang nararamdaman niya. Nag-level up na ang feeling niya rito. True love na. Sure siya, pero ang lintek, at pati katorpehan niya ay sumabay na nag-level-up as in torpe to the highest degree. Sa Cebu pa naman siya magkokolehiyo, samantalang sa Maynila si Lily. Hayyyy…bakit kaya ganoon siya katorpe?
Wedding day. Naroon siya sa araw ng kasal ni Lily. For the first time, nagkaroon siya ng lakas ng loob na halikan ito sa pisngi. Ummm, napakabango at napakalambot ng pisngi ng babaing minahal niya ng ilang dekada. Buti na lang at casual na lang noon ang pakikipagbeso-beso. At hindi pa sumasalakay si COVID-19. Parang nawala siya sa sarili. Nakatitig siya kay Lily. Si Lily naman ay napatulala sa kanya. Automatic na bumuka ang bibig niya: I Love You, Lily.
Hindi kaagad nakapagsalita si Lily. Sa mahina at malungkot na tono: “Bakit ngayon mo lang inamin? Kung kailan ako ikakasal. Alam mo bang mahal na kita noon pa?”
Agad siyang nagpaalam. Hindi na niya hinintay na matapos ang wedding ceremony sa simbahan. Habang nagmamaneho ng kotse ay tumutulo ang luha niya sa panghihinayang.