Dear Attorney,
Nakasagasa po ako at balak daw po akong sampahan ng kasong reckless imprudence ng aking nasagasaan. Iniisip ko po na makipag-areglo na lang ngunit nangangamba ako na baka gamitin itong ebidensiya ng pag-amin ko sa mga maaaring iakusa sa akin. Maipapayo mo po ba na ako ay makipag-kompromiso? -- Lanie
Dear Lanie,
Bagama’t ang pag-alok ng kompromiso sa mga criminal case ay maaaring gamiting ebidensiya ng pag-amin sa kasalanan ng akusado base sa ating Rules of Evidence, hindi naman saklaw ng probisyong ito ang mga kriminal na kasong may kinalaman sa negligence o kapabayaan katulad ng reckless imprudence.
Hindi rin maaaring gamitin na ebidensiya ang alok ng pakikipag-areglo kung wala pa namang kasong kriminal na nakasampa katulad ng sa sitwasyon mo. Dahil wala namang nakabinbing kaso laban sa akusado noong siya ay nag-alok ng areglo, hindi masasabi na isang paraan ng pag-amin sa kasalanan ang pag-aalok niya nito.
Base sa mga nabanggit, maaari mong subukang makipag-areglo sa nasagasaan mo hangga’t wala pang nakasampang kaso laban sa iyo.
Maipapayo ko na lang na mas mabuti kung kumuha ka ng tagapamagitan na siyang makikipag-usap sa partido ng nasagasaan para sa iyo. Mas maganda kung ang tagapamagitan na ito ay magiging maingat sa pagsasalita upang maipaliwanag niya na nakikipag-areglo ka lamang dahil gusto mong makaiwas sa gulo na dala ng demandahan at hindi dahil sa umaamin ka sa pagkakasala mo o sa kung ano pa man.