BATID na natin na pangunahing dahilan ng pagpapatupad ng community quarantine ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Hanggang noong Mayo 28, 2020, mahigit nang 5.69 milyon ang naitalang kaso ng COVID sa 188 bansa na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 355,000 tao habang 2.34 milyong pasyente ang gumaling. Sa Pilipinas, umabot na sa 15,588 ang kaso, 3,598 ang gumaling at 921 ang namatay.
Pangunahing kumakalat ang virus kapag ang may COVID ay bumabahin, umuubo, nagsasalita at nagpapalabas ng tinatawag na small droplet at nasasagap ang mga ito ng tao na sa layong isang metro. Isa itong dahilan kaya ang mga pasyenteng may COVID iyong mga nagkaroon ng kontak sa mga ganitong pasyente o mga hinihinalang may sintomas ng sakit na ito ay isinasailalim sa kuwarantina.
Kakabit naman ng community quarantine na mas kilala bilang lockdown ang ang physical/social distancing, pagsusuot ng face mask o face shield, madalas na paghuhugas ng kamay (sa tulong man ng tubig at sabon o alcohol o hand sanitizer) at pag-iwas sa matataong lugar at pananatili sa bahay. Kaya nga sinuspinde ang mga klase sa mga paaralan; pinahinto ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan; sarado ang mga opisina ng gobyerno at maraming pribadong establisimiyento; ipinagbawal o ipinasara ang mga aktibidad na pinagtitipunan ng maraming tao tulad ng sa mga live concert/shows; sinehan, parke, palaruan, palakasan, pasyalan, misa sa simbahan, nightclub, beerhouse; pagbabawal ng dine-in sa mga restawran at iba pa para hindi mahawa sa virus ang higit na nakakaraming mamamayan.
Kahit sumailalim na sa general community quarantine ang Metro Manila at ang buong bansa man, tila mananatili pa rin ang mga physical distancing at magpapatuloy ang pagsusuot ng face mask o face shield dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID lalo na at wala pang natutuklasang bakuna at gamot laban dito. Kung meron mang mga gumaling sa sakit na ito, batay na rin sa mga ulat, lumalabas na mga eksperimento pa lang ang anumang ipinanglunas sa pasyente. Ipinalalagay na aabutin pa ng susunod na taon bago makatuklas ng bakuna.
Kaya mas makakabuting sumunod na lang sa mga ipinapatupad na mga pag-iingat na pangkaligtasan tulad ng pagsusuot ng face mask/face shield, physical distancing, paghuhugas ng kamay at laging malinis na katawan at pananatili sa bahay hangga’t maaari dahil hindi nakikita ang virus na ito. Kasama na rito ang payo ng mga health expert na kumain ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas para mapalakas ang immunity ng katawan laban sa sakit.
Mabuti na nga lang at marami nang negosyo ang unti-unti nang nagbubukas at may mga empleyadong nakakapasok na sa trabaho para makabangon na ang ekonomiyang nalugmok sa virus na ito. Malaking tulong ang internet at ibang teknolohiya para maging posible ang work from home at ang mga estudyante halimbawa ay patuloy na makakapag-aral.
Nasa paligid pa natin ang bantang mahawa tayo sa COVID kaya baka lalo pang matatagalan ang community quarantine (modified man o general o enhanced). Ang esensiya nito ay para hindi mahawa ang higit na nakakarami sa ating populasyon sa virus na ito.
Email: rbernardo2001@hotmail.com