EDITORYAL - Ayudahan ang stranded OFWs

KAWAWA ang mga stranded na Pinoy workers sa Abu Dhabi at Dubai, United Arab Emirates (UAE). Hindi nila alam kung kailan at kung paano makakauwi sa Pilipinas. Karamihan sa OFWs ay nagtapos na ang kontrata noon pang Marso at nakatakda nang umuwi pero inabutan ng lockdown dahil sa pandemic. Wala silang masakyan na eroplano. Marami sa kanila ang ilang ulit nang nag-rebook. Lagi silang nakaabang sa airport pero laging kina-cancel ang flight.

Maraming OFWs sa Dubai ang nagsabing nagmumulta na sila dahil overstaying na. Nauubos na rin ang kanilang pera dahil dalawang buwan na silang walang kayod. May mga Pinoy na pinutulan na ng kuryente at tubig dahil wala na raw maibayad.

Isang Pinoy ang nakiki-charged na lamang ng kanyang cell phone sa inuupahang bahay ng kababayan. Ang iba ay nakikiigib na lamang ng tubig sa isang malapit na mosque. Hirap na hirap na raw sila.

Isang Pinay na limang buwang buntis ang nag-aalala sa kalagayan sapagkat baka hindi na siya payagang makabiyahe kaya nakikiusap na sana ay makauwi na siya. Wala na rin umano siyang pera dahil nagastos na habang naghihintay na makaalis. Wala na umano silang pagkukunan.

Marami sa mga stranded ang nagsabing hindi­ sila nabibigyan ng ayuda ng mga opisyal ng Philip­­pine Overseas Labor Office (POLO) roon. Sa isang tele­phone interview noong Lunes kay Labor­ Attaché Alejandro Padaen, sinabi niyang guma­gawa sila ng hakbang para sa kapakanan ng mga stranded­. Meron na umano silang nabigyan ng ayuda. Ga­nun­­man, nang tanungin si Padaen kung ilan ang kabuuan­ ng stranded OFWs sa Abu Dhabi at Dubai, wala siyang malinaw na maisagot. Wala rin siyang masabi kung ano ang tunay na kalagayan ng OFWs doon. Matatandaan na noong 2018, pinagpaliwanag na ni Labor Sec. Bello si Padaen hinggil sa nangya­ring pagkamatay ng domestic helper na si Joanna Demafelis sa Kuwait. Si Demafelis ay pinatay at ini­lagay ang katawan sa freezer.

Sana makagawa ng paraan ang Labor Attache para matulungan at maayudahan ang mga OFWs na stranded sa Dubai at Abu Dhabi. Kawawa naman ang mga “bagong bayani”.

 

Show comments