‘Online child exploitation’ sa panahon ng lockdown!
Kung bumaba ang mga nagaganap na street crime dahil sa lockdown, matindi naman pala ang pagtaas ng kaso ng rape at ng ‘online sexual abuse’ lalo na sa mga bata sa bansa.
Naging in demand kasi ang internet sa panahon ng lockdown, kung saan isa ito sa pangunahing napagtuunan ng marami nating mga kababayan para malibang sa pagkakakulong sa mga bahay.
Ayon sa ulat, nakapagtala ng pagtaas na 260 porsyento ng online sexual abuse habang nasa ilalim ng lockdown dahil sa COVID pandemic.
Base sa datos na ipinalabas ng National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) nakapagtala ng 279,166 ulat ng online exploitation mula Marso 1 hanggang Mayo 24. Higit na mas mataas ito sa datos noong nakaraang taon sa parehong period na nakapagtala lamang ng 76, 561.
Bagamat hindi lahat sa report ay aktuwal na kaso ng exploitation, kabilang din dito ang child pornography materials, child sex trafficking, pangmomolestiya ng kaanak sa bata, pagpapadala ng sex materials sa isang bata at pagpapadala ng bastos na mga salita o imahe sa internet.
Ang nakakalungkot pa nga minsan, mismong magulang o kaanak ng mga bata ang siyang promotor sa ganitong gawain. Maging ang kanilang kadugo ay pinagkakakitaan ng mga ito sa ganitong paraan.
Ngayon nga sisimulan na itong busisiin ng NBI kabilang ang mga taong sangkot dito, pati na rin ang mga dapat na ipatupad na programa ng mga internet service providers para maharang ang ganitong mga uri ng materyales sa cyberspace na may sexual exploitation sa mga bata.
- Latest