EDITORYAL - Kulungan ang bagsak ng mga corrupt barangay officials
GALIT na galit si DILG Secretary Eduardo M. Año nang ihayag na 134 barangay officials na ang sinampahan ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Department of Justice (DOJ) dahil sa mga anomalya na may kaugnayan sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP). Ang nagsampa ng kaso sa mga corrupt barangay officials ay Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG). Sabi ni Año, hindi matatakasan ng mga corrupt na barangay officials ang batas. Sinira umano ng mga ito ang tiwala ng gobyerno at mga kabarangay kaya sa kulungan ang bagsak ng mga ito.
Nagbabala na noon pa sa mga barangay official si President Duterte na huwag ibubulsa ang perang ayuda sa mga mahihirap. Hindi raw siya mangingiming ikalaboso ang mga mangungurakot ng pondo. Pero sa kabila ng babala marami talagang kurakot. Halos kalahati ng social amelioration program (SAP) na para sa mahihirap ay ibinubulsa.
Dalawang linggo na ang nakararaan, napanood mismo ng Presidente ang isang barangay kagawad sa Hagonoy, Bulacan na nangungupit ng SAP. Ang kagawad ay nakilalang si Reynaldo Flores. Kalahati lang ng SAP ang binigay ni Flores sa mga kabarangay. Sabi ng Presidente, mahirap na nga ang mga tao ay kinukupitan pa ng kagawad.
Matapos mapanood ang ginawa ni Flores, nag-alok ng pabuyang P30,000 ang Presidente sa sinumang makapagsusuplong sa kanya ng mga corrupt na barangay officials. Maaari raw itawag ang mga corrupt na barangay officials sa telephone number 8888.
Ipinayo naman ng Presidente sa mga mayor na kilalaning mabuti ang mga tao na mamamahagi ng SAP para hindi masayang ang pera. Siguruhing sa mga mahihirap na nangangailangan mapupunta ang pera hindi sa bara-ngay official na kurakot. Kailangan daw na may malinis na kalooban at integridad ang mamamahagi ng pera.
Nasa P200-bilyon ang inilabas ng pamahalaan para ipamahagi sa mga mahihirap. Ngayon ay may ikalawang bugso ng ayuda na ipamamahagi at kasama na rito ang mga hindi nakatanggap noon. Sana, maging maaayos na ang pamamahagi at hindi na mapunta sa bulsa ng mga kurakot.
- Latest