Balik delicadeza, amor propio at palabra de honor

MATAPOS kasuhan si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Debold Sinas dahil sa paglabag sa mga quarantine rules nang mag-celebrate ng kanyang birthday, maraming nagsabi na ang pinakamalubhang batas na nilabag ng heneral ay ang delicadeza. Ito’y salitang Espanyol na ang orihinal na kahulugan ay “gentleness” o “softness.”

Sa kulturang Pilipino, ang delicadeza ay ang pagiging sensitibo sa maaaring sabihin ng publiko bunga ng isang bagay na gagawin. Ang may delicadeza ay kabaliktaran ng taong makapal ang mukha na walang pakialam sa sasabihin ng iba, gagawin niya anuman ang gusto niyang gawin kahit na ito’y makasakit sa sensibilidad ng iba.

Maaaring ang aksyon ng isang taong walang delicadeza ay hindi naman ilegal, ngunit sigu­radong ito’y immoral, ibig sabihin ay salungat sa tinatanggap na pamantayan ng moralidad ng isang lipunan. Hindi lahat ng legal ay moral. Halimbawa, maaaring legal sa isang lipunan ang prostitution, sapagkat may batas na nagpapahintulot nito.  Ngunit sa pamantayang Kristiyano, ang prostitution ay mananatiling immoral kahit na ito’y legal. Walang batas na magbabawal sa iyo na magdaos ng magarbong handaan sa isang lugar kung saan ang mga tao’y wala nang makain, ngunit lumalabag ka sa batas ng delicadeza at moralidad.

May mga kamag-anak ang delicadeza. Isa rito’y ang amor propio.  Ito’y salita ring Espanyol na ang ibig sabihin ay pagmamahal sa sarili. Ang may amor propio ay may mataas na pagpa­pahalaga sa sarili na kung tawagin sa English ay “self-esteem” o “self-worth.” Ang walang pagpapahalaga sa sarili ay hindi maaasahang magpapahalaga sa kapwa. Ang utos mismo ni Hesus ay ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Kung hindi mo mahal ang sarili mo, kailanman ay hindi mo magagawang mahalin ang iyong kapwa.

Ang isa pang kamag-anak ng delicadeza ay ang palabra de honor, sa English, word of honor. Ang  may palabra de honor ay laging tumutupad sa kanyang pangako. Anumang pangako niya’y sagrado, tutuparin niya ito, mangahulugan man ng malaking pagsasakripisyo. Hindi niya sinusunod ang ginagawa ng mga tiwaling pulitiko na ang pangako ay laging napapako. Maaaring itaga sa bato ang anumang sasabihin ng may palabra de honor, sapagkat siguradong tutuparin niya ito.  Maaaring isulat sa buhangin ang anumang sasabihin ng isang taong walang palabra de honor, sapagkat siguradong iyo’y kanyang babaliin.

Sa Japan, kung saan napakataas ng pagpapahalaga sa delicadeza, amor propio at palabra de honor, sinumang opisyal ng gobyerno o lider ng negosyo na masasangkot sa katiwalian o immoralidad, ay tiyak na magbibitiw sa tungkulin. Mayroon pa ngang iba na nagpapatiwakal.  Dito naman sa atin, bistado na’y ayaw pang umamin, kumakapit pa rin sa tungkulin. Ang tawag dito’y kapit-tuko. Ang mga kapit-tuko ay siguradong walang delicadeza, amor propio at palabra de honor.

Kung may programang balik-probinsiya dahil sa naranasan nating kahirapan bunga ng COVID-19 pandemic, kailangan ding magkaroon ng programang balik-delicadeza, balik-amor propio, at balik-palabra de honor.

Mahalagang dalhin natin ang mga katangiang ito sa tinatawag na “New Normal,” dahil kung hindi, mananatili tayong nakabaon sa virus ng katiwalian at immoralidad. Kailangan itong mangyari kung nais nating makaagabay sa mauunlad na bansa na tulad ng Japan.

 

Show comments