SABI ng English Poet na si John Donne, “Ang kamatayan ng bawat tao’y isang kabawasan sa akin.” Sa harap ng COVID-19 pandemic, maaari rin nating masabi ngayon na bawat namamatay dahil sa coronavirus ay isang kabawasan sa ating pagkatao. Sa ngayon, umaabot na sa 300,000 sa buong mundo ang namamatay dahil sa virus na ito. Ang nangunguna sa listahan ng pinakamaraming nasawi ay ang US, UK, Italy, France at Spain, pawang mayayamang bansa. Sa Pilipinas ay 800 na ang namamatay. Bawat araw ay nadaragdagan pa ang bilang sa buong mundo.
Kung tutuusin, talagang napakarami nang nababawas sa ating pagkatao dala ng COVID-19 pandemic. Ang lamay at paghahatid sa huling hantungan ng namatay ay isa sa pinakamahaba at sagradong ritwal na ginagawa sa simbahan o tahanan. Ang tawag sa pinal na ritwal sa namatay ay “Huling Parangal,” kung saan talagang maraming tao ang dumadalo upang ibigay ang kanilang “last respect” sa namatay. Ngunit ngayon, hindi na mabigyan ng “Huling Parangal” ang isang namatay dahil sa coronavirus, kailangang i-cremate o ilibing kaagad ang bangkay, hindi puwedeng paglamayan nang matagal, at karaniwan, ang mga miyembro lamang ng pamilya ang naglalamay. Napakalaking kabawasan sa ating pagkatao!
Sa ngayon ay maingat na binabalanse ng gobyerno ang kaligtasan ng mamamayan at ang ekonomiya ng bansa. Dahil maraming hindi makapagtrabaho, milyun-milyong Pilipino ang umasa sa rasyon at ayuda ng gobyerno. Nakakahabag makita ang mahabang pila ng mga tao na kumukuha ng SAP o cash assistance, marami ay inabot ng hatinggabi sa paghihintay. Marami na rin ang napuwersang mamalimos. Isang jeepney driver na namamalimos ang ininterbyu ng isang reporter. “Ayaw kong mamalimos, ang gusto ko’y magtrabaho. Pero kung hindi ko ito gagawin, mamamatay sa gutom ang aking pamilya,” umiiyak na pahayag ng lalaki. Isang grupo naman ng mga babae ang nahuli na ibinebenta ang mga sarili sa prostitution. Isa sa mga nadakip ay nagsabi habang takip-takip ang mukha, “Gutom na po ang mga anak ko.” Ang dalawang kaso ay isa ring uri ng kamatayan – kamatayan mng dignidad. Napakalaking kabawasan sa ating pagkatao!
Bago sumabog ang COVID-19 pandemic, marami tayong ginagawa na hindi natin masyadong pinahahalagahan. Pag-usapan natin ang tungkol sa ating trabaho. May mga taong kinaiinisan ang kanilang trabaho, sa halip na ipagpasalamat. May mga parelaks-relaks lang, sa halip na ibigay nang todo ang kakayahan. Totoo ito, lalo na sa mga opisina ng gobyerno. Kaypalad ng mga taong-gobyerno, sapagkat hindi nila inaalala kung sila’y makakasuweldo pa o hindi. Siguradong sila’y susuweldo. Hindi katulad ng mga nagtatrabaho sa pribado na aandap-andap ang mga kalooban, sapagkat walang katiyakan kung mayroon pa silang babalikang trabaho.
Tayo’y haharap sa tinatawag na “new normal.” Hindi na raw puwede ang dati. Siguro nga. Kailangang itapon na natin ang mga maling dating gawi. Kailangang matuto tayo sa mga aral ng COVID-19. Kailangang magsimula tayo ng mga gawaing magdaragdag sa ating pagkatao, kaysa magbabawas.
Sa Jeremias 29:11, ganito ang sinabi ng Diyos, “Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.” Kaygandang plano, ngunit hindi ito gagawin ng Diyos nang wala tayong pakikiisa!