HUMINGI na ng paumanhin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Debold Sinas sa nangyaring pag-“mañanita’’ sa kanya ng mga tauhan noong Biyernes na kaarawan niya. Pero iginiit naman niya na wala silang nilabag na alituntunin sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Nag-viral sa social media ang mga larawan ni Sinas habang “hinaharana” ng kanyang mga tauhan. May kuha pa na nasa mga table sila at masayang kumakain habang nagkukuwentuhan. Kapansin-pansin na may beer sa kanilang mesa. Pero ayon sa heneral, na-edit na umano ang mga larawan. Kahapon, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na iimbestigahan ang nangyaring pagtitipon sa kaarawan ng NCRPO chief. Sabi naman ng DILG dapat magpakita ng halimbawa si Sinas.
Mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 16, naging mahigpit ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa ECQ. Kabilang dito ang pagbabawal sa pagtitipun-tipon o pagkumpul-kumpol. Mahigpit nilang ipinasusunod ang pagsusuot ng face mask. Kasama rin sa pinagbabawal ang pagdaraos ng mga party o anumang kasayahan na maaaring magsama-sama ang mga tao. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga nakakalasing na inumin.
Ang mga ito ay mahigpit na ipinagbabawal para huwag magkahawahan. Ang physical distancing ay mabisang paraan para mapigilan ang pagkalat ng virus na naisasalin sa pamamagitan ng droplets kapag umubo o humatsing ang taong infected. Kung walang mask, malalanghap ang virus at walang tigil sa pagkalat. Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 11,000 ang infected ng COVID-19 sa bansa. Halos araw-araw ay may naitatalang kaso.
Kaya naman maski si President Duterte ay seryoso sa pagpapaalala sa lahat na sumunod sa ipinag-uutos para mapigilan ang virus. Atas niya sa PNP, ipatupad ang batas. Kaya naman naging mahigpit ang mga pulis. Ang mga nagtitipon sa kalye ay hinuhuli, ang mga walang face mask, nag-iinuman at nagsusugal ay inaaresto. Dapat sumunod sa batas ang lahat.
Sa nangyaring “mañanita’’ kay Sinas, dapat sila ang nanguna sa pagpapatupad ng batas.
Related video: