HINDI nagkamali si Ernest na lumipat sa isang paupahang apartment sa Chicago upang mapalapit sa bahay ni Sherwood Anderson. Mahusay na manunulat si Sherwood at laging bukas ang kanyang tahanan sa mga bagitong manunulat na nais hasain ang kanilang talent. Si Sherwood Anderson ang sumulat ng ‘di malilimutang nobela, Winesburg, Ohio, Poor White, Dark Laughter, etc.
Ang kahanga-hanga kay Sherwood, hindi lang niya tinuturuang magsulat ng kuwento ang mga humihingi ng tulong sa kanya kundi ipinakikilala pa rin niya ang mga ito sa kanyang mga kakilalang publishers. Nang magtagal ay nakasulat ng kanyang kauna-unahang nobela si Ernest na may pamagat na The Sun Also Rises. Ang Ernest na tinutukoy ko ay si Ernest Hemingway. Isa lang si Ernest sa mga sumikat na dumaan sa mga kamay ni Sherwood. Ang iba pang natulungan ni Sherwood ay nagkamit pa ng Nobel Prize at Pulitzer Prize.
Ipinagtapat minsan ni Sherwood ang dahilan ng kanyang pagtulong sa mga kabataang mahilig magsulat. Siya rin pala ay tinuruang magsulat ng isang mas nakatatandang manunulat na si Theodore Dreiser. Kumbaga, nagbayad siya ng utang na loob sa pamamagitan ng pagdebelop sa mga bagong sibol na manunulat na kagaya niya noong araw.
Parang kagaya ni Steve. Pinag-aral siya ng kanyang tiyuhin kaya siya naging Accountant. Nang umasenso ang kanyang buhay ay tumulong din siya sa pagpapaaral ng kanyang mga pamangking mahihirap. Ang utang na loob ay hindi lang tinatanaw, kailangang bayaran din ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong kagaya mo rin noong araw na nangangailangan. Ipasa ang good karma upang magtuluy-tuloy ang daloy ng biyaya sa iyong buhay.