NAGAWANG punan ng isang mag-ina sa Belgium ang kanilang pagkasabik sa fast food sa pamamagitan ng paggawa ng kotse mula sa karton upang sila’y maka-order sa drive-thru ng restaurant.
Nakatira malapit sa branch ng isang sikat na fast food chain si Nathalie Moermans at ang kanyang 16-anyos na babaing anak ngunit hindi sila makabili dahil sa pamamagitan lamang ng drive thru nito tumatanggap ng orders ang restaurant.
Dahil walang sasakyan, naisipan ni Moermans na gumawa na lang ng kotse mula sa karton upang sila’y pagbilhan ng fast food branch.
Gawa sa kartong pinagdikit-dikit ng tape ang kotse, na may plaka pang “COVID-19.”
Papunta sa drive-thru, maraming nakapansin sa kanilang “kotse”. Pinara pa sila ng isang pulis, na tumawa na lang nang ipaliwanag nila rito ang kanilang ginagawa.
Sa huli, tagumpay na naka-order ang dalawa mula sa fast food at ipinost pa ni Moermans sa Youtube ang video ng kanilang ginawang pagpila sa drive-thru habang sakay ng kanilang “kotse”.