EDITORYAL - Sarap nang malinis na hangin

MALINIS na ang hangin sa Metro Manila mula nang mag-lockdown. Walang pumapasadang sasakyan, tigil pati train, eroplano at mga barko. At wala ring usok na nagmumula sa mga factory. Ang resulta, nawala ang air pollution sa Metro Manila. Nakikita na sa umaga ang kagandahan ng kapali­giran na walang smog (smoke at fog). Matatanaw na ang Antipolo at ang bulubundukin ng Sierra Madre. Napakagandang tingnan. Masarap ding damhin ang masarap na hangin.

Gumanda ang kalidad ng hangin sa loob ng dalawang buwan na pagpapatupad na enhanced commu­nity quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19. Sa Mayo 15 ito magtatapos. Pag-uusapan pa kung magkakaroon ng extension sa Metro Manila.

Anuman ang maging pasya, may naibigay na kabu­tihan ang ECQ sa kalidad ng hangin sa Metro Manila. Ang tanong ngayon ay kapag tuluyan nang inalis ang lockdown at nagbalik na sa normal ang pamumuhay ng mamamayan, balik din kaya ang air pollution. Sa pagbabalik ng mga pribado at pampublikong sasakyan sa kalsada, muli na namang bubulwak sa mga tambutso ang maruming usok na lalason muli sa kapaligiran at unti-unting papatay sa mga tao. Sana, makaisip ng paraan kung paano mapapanatili ang malinis na hangin.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang maru­ming hangin ay nagdudulot ng noncommunicable diseases (NCDs) gaya ng allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Unang tinatamaan ng sakit ang mga pasahero at pedestrians dahil sila ang nakalantad sa maruming hangin. Bukod sa usok ng mga sasakyan, nalalanghap din ang usok ng mga sinunog na basura, goma, plastic at iba pang harmful wastes.

Maraming napatunayan habang ang bansa ay nasa ilalim ng quarantine. Isa rito ang katotohanang kapag nabawasan ang mga sasakyan, tiyak na magi­ging malinis ang hangin. Subukang mag-eksperimento na kahit isang linggo ay walang sasakyan sa MM. Malaking tulong ito para mabawasan ang air pollution at makalanghap ng sariwang hangin.

Show comments