ITO ang pang-uto ng mga magulang sa kanilang anak para maging masunurin ang mga ito sa kanila.
1. Bawal uminom ng kape ang mga bata dahil nakakapandak ito.
2. May monster na kumakain ng mga batang hindi natutulog sa tanghali (afternoon siesta). Alam daw ng monster kung sinu-sino ang hindi natutulog. (May radar?)
3. Magiging genius kapag araw-araw ay iinom ng gatas. Magiging bobo kapag hindi uminom ng gatas. Pinili kong maging bobo dahil nasusuka talaga ako sa gatas.
4. Umiikli ang dila ng mga batang hindi gumagamit ng po at opo.
5. Marumi raw ang sago’t gulaman o palamig na ipinagbibili sa kalye at palengke. Ang magiging epekto ay pagdami ng bulate sa tiyan. Grade 1 at grade 2, medyo masunurin pa at mapaniwalain. Pero pagsapit ng grade 3 sinubukan kong bumili ng palamig sa labas ng gate ng aming school. Wala naman kasing palamig sa school canteen. Napa-juice ko ako, nang lumapat sa aking dila ang unang patak ng palamig. Napakasarap pala! Simula noon, kesehodang bulatihin ang aking tiyan, bumibili ako ng palamig tuwing recess.
6. Iwasang makalulon ng buto ng pakwan at dalanghita dahil tutubo iyon sa loob ng tiyan as in, magkakaroon ng puno sa loob ng tiyan.
7. Makakaranas ng bad karma ang batang nagtitira ng pagkain. Dapat ay ubusin ang lahat ng inilagay sa plato.
8. Ang batang hindi kumain nang hapunan ay hihiwalayan ng kanyang kaluluwa pagsapit ng madaling araw. Tumulog kasi nang hindi kumakain kaya maghahanap ng makakain ang kanyang kaluluwa.
9. Huwag kumain ng bubble gum. Dadami ang bubbles sa tiyan na magiging dahilan ng pagsakit nito.
10. Para huwag magpa-araw at manghuli ng tutubi kapag summer: Magiging tutubi ang mga batang mahilig manghuli nito.
11. Kapag hindi sinaid ang kanin sa plato, tutubo ang kanin sa iyong mukha.
12. Puputok ang tiyan na parang lobo kapag maraming kinain.
13. Hindi dapat awayin ng mga nakababata ang panganay nilang kapatid. Kapag inaway nila, may kukuha kay ate o kuya para sila na lang ang mag-alaga. Kapag itinanong ng bata kung sino ang kukuha, ang sagot ng nanay ay – basta hindi natin kakilala.
14. Tutubuan ng pigsa ang umuupo sa unan lalo na kung bagong palit ang punda.
15. Magdudurugo ang bibig at matatanggal ang ngipin kapag nagmura ang mga bata.