2 elepante sa Wunnan, China, ininom ang natagpuang alak sa taniman ng tsaa, nalasing!
BAWAL ang mga pagtitipon at pag-inom ng alak sa kasalukuyan para hindi kumalat ang nakamamatay na coronavirus.
Pero hindi ito nakapigil sa dalawang elepante sa Wunnan Province, China na bumaba mula sa bundok at humantong sa taniman ng tsaa.
Nadiskubre nila sa gitna ng taniman ang nakabaon na cornwine na nasa malaking lalagyan o vat.
Ininom lahat ng dalawang elepante ang laman ng vat.
At maya-maya pa, nalasing na ang mga ito at natulog sa taniman ng tsaa.
Gulat na gulat ang may-ari ng taniman nang makita ang mga elepante na nakalugmok at tulog na tulog.
Nang tingnan ng may-ari ang kanyang ibinaon at inimbak na cornwine sa vat, said na said ito. Nahulaan niyang ang mga elepante ang uminom ng kanyang alak.
Ayon sa report, talagang mahilig sa alak ang mga elepante. Kapag bumababa raw ang mga ito sa bundok, madaling naaamoy at nakikita ng mga ito ang mga bahay na gawaan ng alak at nilulusob at iniinom ang alak.
Kapag daw hindi naubos ang alak sa lugar, minamarkahan umano ng mga ito at saka binabalikan pagkalipas ng ilang araw.
Ayon sa ilang researchers, ang pag-inom daw ng alak ng mga elepante ay paraan ng mga ito para ma-sanitize ang kanilang trunks.
- Latest