^

Punto Mo

Hanapin ang kahulugan ng buhay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

“NAPAKAIKLI ng buhay kaya ipamuhay ito nang buung-buo at todung-todo …pahalagahan mo ang bawat segundo ng iyong buhay,” sinabi ito ni William Shakespeare. 

Sa Bibliya, hanggang 70 years old lang ang ideal na pinakama-tandang edad.  Kapag umabot ka ng 80, bonus na ‘yon. Ganito ang sabi sa Mga Awit 90:10, “Buhay nami’y umaabot ng pitumpung taong singkad; minsan nama’y walumpu, kung kami’y malakas.”

Dahil sa malungkot nating karanasan sa COVID-19, lalong lumutang ang katotohanang ito, talagang maikli ang buhay. Marami sa mga namatay na doctors at nurses na tinamaan ng coronavirus ay mga bata pa, malalakas at punumpuno ng magagandang pangarap. Ngunit ang lahat ay naglaho sa isang kisap-mata. Nakahihinayang ang magagandang buhay na bigla na lamang natapos!

Napapanahon ang paalala ni Shakespeare, dahil maikli nga ang buhay, pahalagahan natin ang bawat segundo na tayo’y nabubuhay. Ang higit na mahalaga kaysa haba ng buhay ay ang kahulugan ng buhay. Ibig sabihin, ang kailangang hinahanap natin ay ang meaning o ang signi­ficance ng buhay. Sa Bibliya, ang may pinakamahabang buhay ay si Matusalem, pero tatlong verses lamang ang sinabi tungkol sa kanya, sa Genesis 5:25-27. Sa huli ay ganito ang sabi, “Namatay siya sa gulang na 969 na taon,” period.

Ano ba ang buhay na may meaning at significance? Hindi ko sukat akalain na isang mapamuksang virus ang magpapatunay sa katotohanang matagal nang itinuro ni Hesus sa sangkatauhan nang sabihin Niya sa Marcos 8:36, “Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?” Napatunayan natin ngayon na ang buhay ay mas mahalaga kaysa kayamanan, ang relasyon kaysa possessions, ang pamilya kaysa positions.

Natutuhan natin na ang sikreto sa payapang pamumuhay ay ang mabuhay nang simple, mag-ukol ng mahabang panahon sa pamilya. Maraming tao ang naging “boarding house” na lamang ang sariling bahay.  Ang bahay ay naging tulugan na lamang, kaysa lugar kung saan ang mga miyembro ng pamilya ay sama-samang kumakain, nagkukuwentuhan at nagpapanalanginan sa isa’t isa.

Nakalimutan natin na ang pinakaimportanteng puhunan sa pag-ibig ay ang oras. Dahil sa lockdown, nagkaroon tayo ng mahabang oras sa ating pamilya. Hindi kalabisang sabihin na dahil sa coronavirus, nagkakila-kilala ang mga miyembro ng pamilya.

Minsan, sinabi ni Hesus, “Mas mapalad ang nagbibigay, kaysa tumatanggap.” Sa harap ng paghinto ng trabaho at negosyo, milyun-milyong Pilipino ang kinailangang umasa sa gobyerno para sa kanilang kakainin sa araw-araw. Sa kabilang dako, marami ring Pilipino ang naging bukas-palad at nagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Bakit mas mapalad ang nagbibigay? Sapagkat sila’y nasa posisyon upang magbigay at tumulong sa iba, kaysa sila ang tulungan.  Mas mapalad ang mag-abuloy kaysa abuluyan, hindi ba?

Higit sa lahat, natuto ngayong manalangin ang mga tao, kilalanin na ang Diyos lamang ang may kontrol ng lahat. Sa kabila ng matinding krisis, pwede pa rin tayong makaranas ng tunay na kapayapaan, sapagkat ang tunay na kapayapaan ay ang pagkakaroon ng tamang relasyon sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, at maging sa kalikasan na tinatawag na “Shalom.” Hindi kayang agawin ng COVID-19 ang “Shalom” sa sinumang may matibay na pananampalataya sa Diyos.

BUHAY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with