Tricks para maging magaling ang iyong anak
SA umpisa pa lang ng pasukan, sanayin na ang bata sa isang “schedule” na dapat ay istrikto niyang susundin pag-uwi niya sa bahay pagkagaling sa school. Halimbawa: Pahinga muna, kain ng miryenda, gawa ng homework, laro/panood ng TV, hapunan, tulog. May kasabihang, it takes 21 days to make a habit. Habit formation ang tawag diyan. Ibig sabihin, kailangan ang 21 araw para maging habit na niya ang kanyang mga ginagawa. Siya na mismo ang susunod sa schedule kahit hindi na siya pakialaman ni Mommy. Dadalhin niya ang disiplina sa pag-aaral hanggang sa kolehiyo.
Kapag nirerebyu mo siya ng kanyang lessons, mag-umpisa sa subject na magaling siya para kapag ang nirerebyu ay subject na mahina siya, hindi na niya madarama ang kanyang kahinaan dahil pinuri mo na siya kanina. Naroon pa rin sa utak niya na magaling siya.
Ngunit kung mahina ang ulo ng inyong anak, huwag mong ipahalata ang iyong frustration. Sa halip ay himukin mo siya na laging sabihin ang mga problema niya sa school. Kausapin ang titser at itanong kung ano ang dapat gawin para mag-improve ang iyong anak. May nakilala akong isang ina. Ang ginawa niya ay kinaibigan ang matatalinong kaklase ng anak. Kapag hindi maintindihan ng ina ang mga sinulat ng anak sa notebook, ang tinatawagan niya ay ang mga kaklase ng anak. Para hindi madama ng mga kaklase na “burden” silang mag-ina, paminsan-minsan ay inililibre nito sa canteen ang mga kaklase. Sasabihin ng ina: That’s my way of saying thank you sa pang-aabala ko sa inyo. Nang magtagal ay naging kabarkada na ng kanyang anak ang matatalinong kaklase na kusa nang tumutulong sa kanyang anak. Nag-improve ang grade ng kanyang anak dahil dito.
Kahit matalino ang bata, nakakaranas pa rin iyan ng frustration. Halimbawa, noong first grading period ay top one siya pero pagsapit ng second grading ay naging top 3. Maiimadyin mo kung gaano kasaklap iyon sa isang bata na nakasanayang top one or top two lamang ang kinalalagyan. Kaya ang resulta: Uuwi sa bahay na naghahalo ang sipon at luha.
Ganito lang ang teknik diyan: Magkuwento ng isang pangyayari (totoo man o imbento) na may isang babae na simula sa kinder hanggang kolehiyo ay nasa top one. Pero noong kumuha ng board exam para sa mga Accountant, bumagsak siya. Simula noon ay hindi na lumalabas ng kuwarto ang babae. Isang araw, nakita ng ina na ang babae ay nagsasalita at humahagikgik mag-isa. Ang ipagdiinan sa kuwentong ito – hindi nasanay na mabigo ang babae kaya nasiraan ng isip sa pinakauna niyang kabiguan.
Ang final words diyan – Masuwerte ka nga anak at grade 4 ka pa lang sinasanay ka na ng Diyos na mabigo. Para kapag big boy ka na at nabigo, hindi ka na masisiraan ng ulo. Marami pang “next time” para ka makabawi.
Kasunod noon ay pagkalma ng kalooban, pagpahid sa sipon at luha, sabay hingi ng pagkain dahil gutom na gutom na.
- Latest