DAHIL sawa na sa mga pasaway, ipinag-utos na ng isang lokal na opisyal sa Indonesia na ikulong sa mga “haunted house” ang mga mahuhuling lumalabag sa ipinapatupad na quarantine doon.
Ayon kay Sragen regency head Kusdinar Untung Yuni Sukowati, inisyu niya ang kakaibang kautusan matapos dumami ang nagdadagsaang tao sa kanilang lugar matapos i-lockdown ang mga pangunahing siyudad katulad ng Jakarta.
Marami raw kasi sa mga bagong dating ang hindi sumusunod sa 14-araw na quarantine.
Dahil dito, ipinagutos na ni Sukowati na gawing kulungan para sa mga lumalabag sa quarantine ang mga abandonadong bahay sa kanilang lugar na pinaniniwalaang pinamumugaran ng mga multo.
Nilagyan naman ng mga higaan ang loob ng mga haunted house at nakapuwesto pa ang mga ito ng magkakalayo upang sumunod sa social distancing.
Sa ngayon, lima na ang nahuhuli at naipapadala sa loob ng mga haunted house.
Ayon sa isa sa mga nakakulong, bagamat wala pa naman daw nagpaparamdam na multo sa kanya sa loob, natutunan na raw niya ang leksyon kaya susunod na siya sa mga patakaran ng kanilang gobyerno ukol sa kasalukuyang pandemic.