ISANG concerned citizen na kumuha ng video at mga litrato nang nagbi-bingo sa isang barangay sa Taytay, Rizal ang lumapit sa BITAG makaraan siyang suntukin at tadyakan ng mga mister ng mga misis na nagbi-bingo.
Putok ang kanyang mukha at bugbog ang katawan.
Hindi nagustuhan ng kanyang mga kapitbahay na miyembro ng 4Ps sa ginawa niyang pagkuha ng litrato at video sa mga nagbi-bingo.
Sa harap kasi ng kanyang bahay, naglalaro ang mga ito.
Sinong hindi magagalit na mga taxpayer sa ganitong sitwasyon? Dahil sa 4Ps (Pilipino Pantawid Pamilya Program), may krisis man o wala, taumbayang nagbabayad ng buwis ang sumusuporta sa kanila.
Wala na ngang trabaho, nagsusugal pa! Ang kanilang nakuhang pera mula sa gobyerno na mula sa buwis na ibinabayad ng manggagawang Pilipino, sa bingohan napupunta.
Kinakapos na tayo ng rasyon sa mga mahihirap pero ang mga tunggak na ‘to, balewala sa krisis na nararanasan natin sa Pilipinas at buong mundo.
Nakipag-ugnayan na kami sa Kapitan ng barangay kung saan sakop ang mga residenteng ito.
Nangako si Kap na ipatatanggal niya sa listahan ng 4Ps beneficiaries itong mga kumag, kenkoy at kolokoy na nakukuha pang magsugal sa gitna ng krisis.
Tututok kami sa kasong ito.
Kami naman sa BITAG, handang magbigay ng pabuya sa mga videong kapareho nito, sa mga pagmamalabis at pang-aabuso ninuman sa gitna ng COVID-19.