Regalo

SI Tita Nena ay 70-anyos at matandang dalaga. Palakaibigan siya kaya lahat ng kanyang kakilala na mas bata sa kanya ay “tita” ang tawag sa kanya. Noong nakaraang  taon ay nalaman niyang may cancer siya. Ipinagtapat ng doktor na tatlo hanggang anim na buwan na lang ang itatagal ng kanyang buhay. Patay na ang kanyang kaisa-isang kapatid na pari. Ang kanyang malalapit na kamag-anak ay mga naninirahan sa Amerika. Mayayaman din ang mga ito kaya walang interes sa kanyang maiiwang kayamanan.

Mayaman si Tita Nena. Naisip niyang ipamigay ang kanyang mga alahas sa kanyang mga malalapit na kaibigan. Ito ay mga kaibigan niya simula noong bata pa. Ang iba niyang ari-arian ay ipapamana niya sa kawanggawa na nakalista sa kanyang last will.

Isa sa nabigyan ng alahas ay ang kanyang kaibigang si Piona. Kaso naunang namatay si Piona kaysa kanya. Nakarating sa kanya na ang alahas niyang ibinigay sa kaibigan ay napapunta sa kaisa-isa nitong anak na si Jillian.

Sa kadadasal at pagsunod sa mga bilin ng doktor, nalampasan ni Tita Nena ang krisis sa kanyang buhay. Isang taon na ang nakakalipas simula nang bigyan siya ng taning ng mga dok­tor, heto ngayon siya at buhay na buhay pa. Palibhasa ay hindi natuloy ang kamatayan, bigla nanghinayang si Tita Nena sa mga alahas na ipinamigay niya. Gusto sana niyang puntahan isa-isa ang mga kaibigan at bawiin ang alahas na ibinigay. Isa sa gusto niyang unahing bawian ng alahas ay si Jillian. Tutal patay na naman ang ina nito, at hindi naman siya ang orihinal na recipient ng kanyang alahas.

Si Tita Nena ay may assistant na 60-anyos na babae, si Aling Luz. Ang trabaho nito ay samahan siya sa anumang lakad, asikasuhin ang kanyang pag-inom ng gamot at pakialaman ang katulong sa lulutuin nito para sa kanilang amo. Nakatakda silang umalis nang araw na iyon upang puntahan si Jillian. Hindi nakatiis na magbigay ng opinyon si Aling Luz.

“Mam, puwede pong magbigay ng opinyon tungkol sa alahas na ipinamigay mo?”

“Sige, sabihin mo ang nasa isip mo. Hindi ako magagalit.”

“Mam, ‘di ba kapag nagbigay ka ng regalo,  dapat ay walang bawian? Kung ang dahilan ng pagbawi ay dahil wala ka nang pera, katanggap-tanggap iyon. Pero kung babawiin mo iyon dahil nagbago lang ang isip mo, para pong hindi maganda. Pag-uugatan pa iyan ng tampuhan.”

Hindi kumibo si Tita Nena. May katwiran ang kanyang assistant. Isang pasya ang nabuo sa kanyang isipan, hindi na niya itutuloy ang pagbawi ng mga alahas.

Show comments