Ang supladang artista
ANG isang kakilala ay nagtatrabaho sa munisipyo kaya kapag may magsho-shooting sa aming bayan, nalalaman agad niya ito dahil sa opisina ni Mayor humihingi ng permit ang production.
Isang araw excited ang lahat dahil ang isang sikat na artista ng TV network ay magsho-shooting daw sa aming bayan. Sa hindi inaasahang pagkakataon, ang aktres ay sumama sa paghingi ng permit kay Mayor. Kanya-kanyang kuha ng cell phone ang mga empleyado na uhaw sa pagpapa-picture sa artista.
Pero laking dismaya nila nang magkulong ang aktres sa opisina ng isang opisyal ng munisipyo. Api-apihan at kinakawawa lagi si aktres sa kanyang mga teleserye pero saksakan pala ng suplada sa personal! Halos bumula-bula ang laway ng mga empleyado ng munisipyo sa kasabikang magpa-selfie pero pagtataguan lang pala sila. Kaya nganga ang lahat.
Dumating ang may-ari ng opisina na walang kamalay-malay na ginawa itong “hide out” ng aktres. Nakabantay sa labas ng pinto ang kanyang P.A. or alalay. Astang bubuksan ni Mam ang kanyang opisina nang pigilan ito ng alalay. Akala siguro ay fan lang na gustong magpa-picture.”
“Who are you? This is my office!”
“Nandiyan po si ….”
“Walang problema, magkukuwentuhan kami sa loob.”
Pero hindi rin nagtagal ang aktres. Lumabas ito ng opisina at patakbong sumakay sa kanyang van.
Kasama sa teleserye ang beteranang aktres na ubod ng bait. Kahit hindi na siya kailangan pang pumunta sa munisipyo, nagpumilit itong sumama dahil nais daw nitong magbigay-galang kay Mayor. Napaka-accommodating ng beteranang aktres sa mga fans na gustong magpalitrato kasama siya. Regal na ang beauty ng beteranang aktres, regal pa rin ang kanyang ugali.
Lumipas ang ilang taon, nalaos ang supladang aktres. Naging magulo pa ang buhay pamilya nito. Hindi na nakapagtataka kung bakit siya nawalan ng ningning. Kapag masama kasi ang ugali ng isang tao, gray ang kulay ng sinag ng energy ng katawan, ayon sa mga eksperto. Ang beteranang aktres ay nanatiling sikat dahil ang kulay ng kanyang energy ay bright color.
- Latest