NOONG Huwebes, nag-usad-pagong na naman sa South Luzon Expressway (northbound) na walang ipinagkaiba sa senaryo noong hindi pa pinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon. Ganito rin ang tanawin noong Martes sa nasabing kalsada kaya maraming nagtaka at ang iba ay nagtatanong kung inalis na ang lockdown.
Hindi lamang sa SLEX nagtrapik kundi pati sa Alabang at sa bahagi ng EDSA. At wala namang nagmamandong mga kagawad ng Highway Patrol Group (HPG) at enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga nabanggit na lugar.
Bawal bumiyahe ang mga pampubliko at pribadong sasakyan maliban na lamang kung mga ito ay nagta-transport ng pagkain, gulay, karne, gamot; ambulansiya, mga sasakyan ng healthcare workers, media people at mga alagad ng batas.
Ang pagbiyahe na walang pahintulot ay paglabag sa ECQ na ipinatutupad sa Luzon. Unang isinailalim sa ECQ ang Luzon noong Marso 16 na matatapos sana noong Abril 14 subalit ini-extend ni President Duterte hanggang Abril 30, 2020.
Kumalat sa social media ang usad-pagong na trapiko sa SLEX at Alabang, Muntinlupa. Ayon sa report, dahil daw sa checkpoint kaya nagka-trapik. Single line ang lane kaya usad-pagong. Sa EDSA, dati ay pailan-ilan lang ang sasakyan pero kumapal at wala namang mga awtoridad para sitahin ang mga lumalabag.
Ang ilang sinita sa SLEX, nagsabing akala raw nila ay tapos na ang lockdown dahil Abril 14 na kaya lumuwas sila. Katwiran naman ng mga sinita sa EDSA, lumabas lang sila para bumili ng gamot at pagkain pero nakapagtataka na apat ang laman ng kotse. Halatang nagpapalusot lang.
Nararapat maghigpit ang HPG at MMDA sapagkat mababalewala ang ipinatutupad na ECQ. Sayang ang ipinatutupad na social distancing sapagkat kahit sa mga pribadong sasakyan, dikit-dikit din ang laman. Maghigpit ang HPG at MMDA para maipagpatuloy ang paglaban sa pananalasa ng virus. Mahigit 1 buwan nang nakikibaka sa hindi nakikitang kalaban at hindi sana ito mabalewala dahil sa mga pasaway na motorista.