MAGING ang mga kriminal ay takot din sa COVID-19, na nagdulot ng pagbaba ng 56 percent ng crime rate sa bansa. Inamin ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang Deputy Chief for Operations (DCO) ng Philippine National Police (PNP) na malaking papel ang ginampanan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), para masugpo ang pagkalat ng virus, sa malakihang pagbaba ng kriminalidad sa buong bansa. Sa datus ni Eleazar, may naitalang 3,652 na 8 focused crimes sa bansa mula Pebrero 21 hanggang Marso 16.
Subalit matapos ideklara ni President Digong ang lockdown sa Luzon bunga sa COVID, bumaba ang bilang ng krimen sa 1,606 o 56 percent down mula Marso 17 hanggang Abril 11. At dahil na-extend ni Digong ang lockdown hanggang Abril 30, naniniwala si Eleazar, ang commander ng Joint Task Force Corona Shield (JTF CV), na lalong mapababa pa ang crime rate sa bansa dahil paiigtingin pa nila ang pagpatupad ng quarantine. Get’s n’yo mga kosa?
Kung sabagay, kapag wala nang tao sa kalsada eh ‘di wala ring mabibiktima ang mga kriminal. Araguuyyy! Hak hak hak! Mabuti pa ang mga kriminal at stay at home o lie low din sila. ‘Di tulad ng mga matitigas ang ulo na mga Pinoy na patuloy na lumalabag sa social distancing sa palengke sa Metro Manila at probinsiya na hindi inaalintana ang kaligtasan nila sa COVID na hanggang ngayon ay wala pang gamot kaya’t dumarami na ang bilang ng mga namamatay.
Sa Luzon ang crime rate ay bumaba ng 63 percent dahil 742 kaso lang ang naitala mula nang umpisahan ang lockdown, 50 percent naman ang ibinaba sa Visayas na may 459 kaso at 45 percent naman sa Mindanao na may 405 kaso lang. At dahil seryoso ang tropa ni Eleazar na isulong pa ang alituntunin ang ECQ, aba malaki ang posibilidad na bababa pang lalo ang crime rate natin dahil sa halos wala ng tao sa kalye, di ba mga kosa?
Kung sabagay, mula Marso 17 hanggang Abril 11, umabot na sa 104,996 violators ng quarantine ang naaresto ng mga tauhan ni Eleazar at madadagdagan pa ito dahil sa walang pakundangang paglabag ng mga Pinoy sa kautusan ni Digong. Araguuyyy! Halos 62,476 sa mga violators ay sa Luzon, 18,785 sa Visayas at 23,735 naman ang sa Mindanao. Sa Luzon talaga, lalo na sa Metro Manila, ang matitigas ang ulo na mga Pinoy, di ba mga kosa? Hak hak hak! Pusong mamon din si Eleazar dahil 74,604 sa mga violators ay pinauwi rin n’ya matapos pangaralan na huwag na uliting balewalain ang quarantine rules.
Para ipakita na may pangil ang Task Force niya pinagbayad ni Eleazar ang 4,853 sa mga violators ng multa, kinasuhan ang 5,381 samantalang ang 20,158 sa kanila ay sasampahan ng kaukulang kaso. Hayan, lumabag pa kayo sa social distancing mga kosa at tiyak sa kangkungan ang bagsak n’yo. Hindi lang ‘yan! 679 katao naman ang naaresto dahil sa hoarding at profiteering, samantalang 8,014 sasakyan ang kinumpiska dahil sa paglabag ng quarantine. Kahit bumaba na ang krimen sa bansa, pinayuhan ni Eleazar ang kanyang tropa na h’wag mag-relax at imbes lalong pag-ibayuhin pa ang trabaho para bumaba lalo ang crime rate sa Pinas. Abangan!