MARAMING Pilipino ang matitigas ang ulo at sa halip na makatulong para mabawasan ang dinaranas na problema, dinadagdagan at pinararami pa. Kailan matututo ang mga Pinoy na sumunod at makiisa para malabanan ang dinadalang problema ng bansa sa kasalukuyan kaugnay sa pagkalat ng COVID-19.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitipun-tipon o mass gatherings sapagkat dito nagsisimula ang paghahawahan ng sakit. Kung magkakadikit-dikit, patalun-talon lang ang virus na galing sa taong infected at kakapit na ito sa katabi. Kaya nga ipinatutupad ang social o physical distancing para hindi na kumalat ang virus. Isang metro ang distansiya sa bawat isa para hindi umabot ang droplets mula sa taong umubo o bumahin. May nagsabi na dapat ay dalawang metro ang layo para masigurong hindi aabot ang droplets.
Pero hindi ito nalalaman nang marami at kung alam man ay binabalewala na sa kagustuhang masunod ang bisyo. Ganito ang ginawa ng mga pasaway na sabungero mula Caloocan City na dumayo ng tupada sa Maynila noong Linggo. Ginawa ang tupada sa North Cemetery. Nagalit si Manila Mayor Isko Moreno at tinungo ang mga promoter ng tupada sa Caloocan. Sumuko ang mga sabungero na humingi ng tawad.
May mga nahuli rin na nagtutupada sa Valenzuela City. May nagtakbuhan sa mga ito pero nahuli rin ng mga pulis. Pinatay ang mga sasabungin at ginawang tinola at pinakain sa mga tao.
Hindi na sana dumagdag pa sa problema ang mga taong ito. Ayon sa report sa mga ganitong pagtitipun-tipon na gaya ng sabong nakukuha ang sakit. Dito nagkakahawahan at kumakalat ang virus. Huwag na sanang paramihin ang problema ng bansa na halos lugmok na ang marami dahil sa kakapusan ng kakainin. Tumulong para huwag kumalat ang COVID-19.