NAKABALIK na ang grupo ng BITAG sa Manila bago pa magdeklara ang gobyerno ng community quarantine sa Metro Manila. Galing kami ng Cebu para trabahuhin ang 3 sumbong.
Matatandaan ‘yung sumbong ng graduating students ng Indiana Aerospace University sa Cebu; ‘yung among nilimas ang laman ng ATM card ng kanyang senior citizen na boy at; para kumprontahin ang pastor na ay principal pa na nanipa ng 11-anyos na bata dahil sa kantang “Ilongga.”
Noong mga panahong ‘yun, may nagpositibo na ng kaso ng COVID-19 sa Pinas. Bagama’t hindi pa naghihigpit sa Metro Manila, sa Cebu ay istrikto na sila.
Salamat sa Diyos, sa kabila ng banta ng COVID-19, nagampanan namin ang mga tungkulin ng ligtas at walang anumang aberya. Ganito kaseryoso at kasinsero ang BITAG sa aming ginagawa.
Itong si Pastor na principal pa na personal kong binisita para makuha ang kanyang panig, tinaguan kami. Sinayang niya ang pagkakataong sagutin, pasinungalingan at bigyang linaw ang sumbong.
Ang nakakatawa rito, buong araw kaming naghanap sa Consolacion, Cebu para makarating sa kanyang tahanan. Kulang na lang ay pati bakang makasalubong namin ay tanungin kung kilala ba niya ang aming hinahanap.
Kung hindi pa sa isang lokal na nakasalubong namin sa isang dead end, hindi namin mararating ang tuktok ng bundok na tinitirahan ng aming pakay.
Andun si Pastor, hindi lumabas ng kanyang bahay. Napahiya na raw siya sa kanyang mga kapitbahay kaya sa korte na lang siya magpapaliwanag.
Binigay namin ang kanyang hiling, nagsampa ng kasong child abuse ang ina ng batang sinipa. Bukod sa kasong criminal, isinampa na rin ang kasong administratibo sa DepEd sa tulong ng aming resident lawyer.
Ipinaabot na rin ng BITAG sa mother church ng simbahang pinaglilingkuran ng pastor ang kanyang ginawa. Pagkatapos ng krisis na ito, muli kaming mag-a-update.
Simple lang, hindi kami nagbibiro. Seryoso, sinsero ang aming serbisyo publiko. Not for entertainment, kaya maraming kumukuwestiyon ng BITAG style.
Well, not my problem!
Tuluy-tuloy pa rin ang public service ng BITAG sa pamamagitan lamang ng mga Facebook pages – BITAG Live, BITAG Multimedia Network, BITAG New Generation at Pambansang Sumbungan.