NAPAKA-AKTIBO ng social media sa panahong ito. Lalo sa sitwasyon ng enhanced community quarantine, lahat ay lockdown sa kanya-kanyang bahay.
Walang ibang mapagkakaabalahan kundi ang magbasa, mag-post at maki-comment sa post ng iba sa social media.
Paalala lamang, maging responsable sa pagpo-post ng mga bagay-bagay sa social media. Kung hindi ikaw ang orihinal na may-ari ng isang materyal, ‘wag mo nang i-post.
Kapag kuryente kasi ang impormasyong pinakalat mo, fake news ‘yan, mananagot ka sa batas.
Etong reklamong pinaabot sa BITAG kamakailan, ipinatatawag daw siya ng barangay kapitan at sinabihan siyang nagpapakalat ng fake news.
Nag-post kasi siya ng video at litrato sa kanyang Facebook na nagpapapila ang barangay sa pamimigay ng quarantine pass.
Ang kanyang reklamo, pinost daw ng barangay chairman sa FB ang mukha niya kasama ang kanyang mister na tagapagpakalat ng fake news.
Nang inimbestigahan ko siya, hindi naman pala siya ang kumuha ng video at photo. Ipinadala lang sa kanya ng pinsan.
In fairness sa photo at video, nakita naman ang social distancing na dapat ipatupad.
Ang siste, mali rin ang kanyang caption na nilagay sa kanyang post, sabi niya pila raw ito ng quarantine pass. Pero ang totoo, pila ito ng mga kumukuha ng travel pass na ibinibigay sa frontliners.
Ito pa ang matindi, hindi siya nakatira sa barangay na kanyang tinutukoy. Dati siyang residente roon pero nang mag-asawa ay lumipat na sa probinsiya.
Kaya tuloy pina-summon siya ng barangay kapitan dahil mali ang detalyeng kanyang pinakalat. Tinawagan ko ang kapitan at inalam ang kanyang panig.
Totoong may mga barangay na pabaya’t abusado subalit marami pa rin ang matino’t talagang nagtatrabaho.
Babalang muli ng BITAG, kung hindi mo pag-aari ang materyal, kung hindi ikaw ang saksi, hindi ikaw ang nakaranas at hindi ikaw ang mismong nagdokumento, manahimik ka.
Huwag mong i-post dahil may totoong istorya sa likod ng mga video at photo na ito. Hindi isa, kundi dalawang panig yan.
Huwag na tayong maging pabigat pa sa problema ng ating bansa ngayon.