NGAYONG Semana Santa, nanawagan si Fr. Dale Orda ng Quiapo Church sa mga Katoliko na magbago na at iwaksi na ang mga hindi mabuting kaugalian habang nasa kainitan ng pananalasa ang COVID-19 sa bansa. May katwiran si Fr. Orda mga kosa dahil habang sa kasagsagan ang COVID, aba puro reklamo at maanghang na salita ang binibitiwan ng mga Pinoy sa kapwa na hindi naman nakakatulong para masugpo ang virus.
Sa kanyang misa bago ang simula ng Holy Week, nakiusap si Fr. Orda sa mga Katoliko na tigilan na ang pakikipag-away at pagrereklamo tungkol sa rasyon ng pagkain at cash gifts mula sa gobyerno ni President Digong. Sa totoo lang, halos 80 porsiyento na sa mga kababayan natin ay nakatanggap na ng tulong na food packs at financial sa gobyerno subalit tuloy pa rin ang reklamo at bangayan sa social media. Araguuyyy!
Imbes na magsisihan, sinabi ni Fr. Orda na dapat ay magkaisa ang mga Pinoy, mag-donate sa gobyerno o sa mga NGO nang sa gayun ay may pambili ng mga gamit, hindi lang para sa frontliners sa laban vs COVID, kundi maging pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan. At puwede ring maging pambayad sa utang, ang biro pa ni Fr. Orda. Hak hak hak!
Ang pakiusap pa ni Fr. Orda, ibaling na lang natin ang bakanteng oras na mangilin sa panahon ng Holy Week kung saan ibinuwis ni Panginoong Hesukristo ang kanyang buhay para iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Kakaiba tiyak ang pagselebra ng mga Katoliko ng Semana Santa sa taon na ito dahil sa kung anu-anong programa ang pinaiiral ng mga gobyerno sa buong mundo para pigilan ang pagkalat ng COVID. Dito sa Pinas, nagbagsak ng enhanced community quarantine (ECQ) si Digong kaya ‘wag tayong magtaka kung walang station of the cross sa kalye at sa mga simbahan.
Sa bayan ko naman sa Alimodian, Iloilo, dating dinudumog ang bundok na Agony Hill kung saan dinadaos ang «Way of the Cross.» Hehehe! Tuloy kaya ito Mayor Kalay Alonsabe Sir at paano ang social distancing at lockdown? Hak hak hak! Ano sa tingin mo, Ter Emang Ampatin?
Mula World War 2, ito ang unang pagkakataon na ang mga Katoliko ay hindi magsasagawa ng kanilang kinagisnan na tradition tuwing Semana Santa tulad ng Bisita Iglesia, Istasyon ng Krus at Pabasa. Maging ang pagkakaridad ay hindi na rin maaring gawin upang pigilan ang pagtitipon ng mga tao sa isang lugar.
Subalit naniniwala ang taga-Department of Health (DOH) na ang Pinoy ay likas na madiskarte at siguradong makakaisip ang mga ito ng ibang paraan upang ipagdiwang ang Semana Santa kahit na ang mga magkakamag-anak at pamilya ay nag-observe ng self-distancing at hindi maaring lumabas ng kanilang mga tahanan. Pustahan tayo mga kosa? Abangan!