Mga barangay kapitan na isinumbong sa BITAG!
NOONG nakaraang linggo, tatlong barangay captain mula sa Pangasinan, Biñan, Laguna at Mandaluyong ang isinumbong sa BITAG.
Ang unang sumbong, dahil nag-post siya sa Facebook na may bayad na P10 ang quarantine pass mula sa barangay ay sinugod siya ni Kapitan.
Matapos niyang mailagan ang mga suntok ni Kap at ipinagtanggol ang sarili ay siya ang hinuli’t kinulong.
Ang pera sanang pampagawa ng fishpond ng kanyang ama ang ginamit na pampiyansa (P36,000) upang siya’y pansamantalang makalaya.
Ang ikalawa naman, nagkomento lamang siya sa Facebook na kurakot ang kanyang barangay, hinataw naman siya ng dos por dos ni Kap kasama ang mga tanod.
Nagawa niya lamang daw magkomento ng ganun dahil sa gutom, tanging ang lugar nila sa barangay ang hindi pa nakakatanggap ng ayuda simula’t sapul.
Tinawagan ko si Kap para makuha ang panig, nagbingi-bingihan ito samantalang malinaw ang linya noong tinanggap ng kanyang tao ang aking tawag.
Ang ikatlo, nakiusap lamang na palitan ang lantang gulay na kasama sa relief ng barangay, nagpanting ang taynga nang pagod na pagod daw na si Kap.
Kinaladkad ang nagrereklamo papuntang barangay hall at ipinost sa Facebook na ‘wag tularan.
Ilan lamang ang mga ito sa pagmamalabis ng mga nasa may kapangyarihan ngayong panahon ng krisis.
Kaya ang BITAG, katuwang ng gobyerno na bantayan ang mga iregularidad at paglabag sa lansangan.
Uploaded lahat ng istoryang ito sa BITAGOfficial YouTube page. Bukas ang BITAG Live Facebook messenger 24/7 para sa inyong mga sumbong. May krisis man, nasa bahay man, tuloy ang aming serbisyo publiko!
- Latest